Home HOME BANNER STORY Suspek sa Makati road rage sinampahan na ng kasong murder – police

Suspek sa Makati road rage sinampahan na ng kasong murder – police

MANILA, Philippines – Sinampahan na ng kasong murder ang suspek sa pagpatay sa isang motorista sa EDSA-Ayala Tunnel sa Makati City, sinabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ayon kay NCRPO spokesperson Police Lieutenant Colonel Eunice Salas, isinagawa ang inquest proceedings laban sa suspek na si GERRARD YU sa Makati City prosecutor bandang alas-10 ng umaga ng Biyernes, Mayo 31.

“The NCRPO through the Makati City Police Station has filed murder charges against Gerrard Raymund Talusan Yu, the suspect in the fatal road rage shooting that occurred near the Ayala Southbound Tunnel in Makati City on May 28, 2024,” ayon kay Salas.

Ang reklamo ay ipinasa para sa resolusyon dahil ang suspek ay naghain ng right to a preliminary investigation.

Tumanggi namang sumagot ang suspek na si Yu nang tanungin kung siya ba ang bumaril sa biktima.

Nanawgan din ito sa publiko na huwag umano siyang husgahan dahil siya ay mabait daw.

“Si Attorney na lang po. Pasensya na po kayo,” anang suspek.

“Nakikiusap ako para sa media, mabuti po tayong tao, hindi po tayo masama. So nakikiusap lang po ako sa mga tao, huwag naman husgahan tayo,” dagdag pa niya.

Nitong Huwebes, sinabi ng Land Transportation Office (LTO) na sinuspinde na rin nila ang driver’s license ni Yu.

“We already issued a Show Cause Order against him and since he is already under police custody for a case that is non-bailable, he was directed to submit a notarized affidavit on why he should not be penalized.”

Nitong Martes, binaril-patay ang 65-anyos na family driver sa posibleng insidente ng road rage. Kasama niya ang pasaherong babae at pitong-taong gulang na bata na nakasaksi ng krimen kung saan itinurong si Yu ang bumaril. Sakay ito ng itim na Mercedez Benz.

Naaresto ng mga awtoridad ang itinuturong gunman sa kanyang tirahan sa Pasig City.

Tumugma sa ang isa sa mga baril na nakarehistro sa suspek, “through firearms crossmatching to be the one used in the shooting,” ayon sa NCRPO.

Nagpositibo rin sa paraffin test si Yu kasama ang sasakyang ginamit niya sa krimen. RNT/JGC