MANILA, Philippines- Nag-isyu ang Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order (SCO) sa rehistradong may-ari ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) na ang driver ay bumangga sa isang bisikleta at inatake ang rider sa isa pang insidente ng road rage na nag-viral sa social media.
Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II na sinadya ng SCO na matukoy kung ang rehistradong may-ari ng puting Nissan Patrol na may plakang NFY 4437 ang nagmamaneho ng sasakyan nang maganap ang insidente sa Marikina City.
Ayon sa ulat ang kopya ng SCO ay naipasa na sa tanggapan ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista.
“Parami ng parami ng mga ganitong kaso pero hindi magsasawa ang inyong LTO na aksyunan ang lahat ng ito dahil kailangan nating tiyakin na ligtas ang ating mga kalsada sa lahat ng road users,” ani Mendoza.
“Magsisilbing aral ito sa ating mga kababayan na mabilis ang aksyon ng LTO dito at tiyak na may kaparusahan na ipapataw kaya kailangan na kontrolin ang galit dahil wala namang mabuting idudulot ito,” dagdag pa nito.
Batay sa SCO na inilabas ni LTO-National Capital Region director Roque Verzosa III, ang rehistradong may-ari ng sasakyan ay inatasan na humarap sa LTO – NCR sa susunod na linggo, Oktubre 3 at magsumite ng notarized affidavit na magpapaliwanag kung bakit hindi siya dapat may pananagutan para sa walang ingat na pagmamaneho, pagwawalang-bahala sa karatula ng trapiko, pagharang sa trapiko, at hindi tamang tao na magpatakbo ng sasakyang de-motor.
Dagdag pa, ipinahiwatig ng SCO na ang pagpaparehistro ng sasakyan ay mapipigilan na masususpinde sa loob ng 90 araw maliban kung naresolba nang mas maaga.
Kaugnay nito nagbabala rin ang LTO – NCR sa rehistradong may-ari na ang hindi pagharap at pagsusumite ng affidavit ay ituturing na waiver na dapat dinggin at mapipilitan ang mga awtoridad na lutasin ang isyu batay sa magagamit na mga rekord.
Sa video, makikita na nabangga ng SUV ang bisikleta sa kahabaan ng Dragon St. malapit sa MG Square Auto Interiors. Bumaba ang driver ng SUV sa kanyang sasakyan sa pedestrian lane at nakipagsuntukan ang siklista, na naging hadlang sa daloy ng trapiko sa lugar.
Muling pinaalalahanan ni Mendoza ang mga driver at motorista na maging matiyaga at magpakita ng paggalang pagdating sa road sharing.
“Huwag init ng ulo ang ipakita natin habang nasa daan. Dapat nating igalang ang ating mga kapwa road users upang maiwasan itong mga paulit-ulit na road rage incidents,” ayon pa sa LTO chief. Santi Celario