BALBALAN, KALINGA – Nahulog ang sinasakyang Toyota Tamaraw FX ng walong menor de edad sa bangin sa bahagi ng Sitio Nawoy, Balantoy, Balbalan, Kalinga.
Ang mga biktima ay pawang mga estudyante ng Eastern Balbalan National High School at mga residente ng Brgy. Pasil at Balbalan, Kalinga.
Mabilis umano ang takbo ng naturang sasakyan na patungong Brgy. Pasil kaya nang makarating sa pakurbang bahagi ng daan ay hindi umano natantiya ang manibela na dahilan upang dumeretso at mahulog sa bangin na may lalim na 80 metro.
Masuwerteng agad narespondehan ang pitong sugatan at naidala sa pagamutan ang mga estudyanteng sakay nito.
Lima sa mga sugatang biktima ang kasalukuyang nagpapagaling sa Kalinga Provincial hospital habang ang dalawa ay sa iba pang ospital sa lalawigan samantalang ang isang 17-anyos na estudyante ay maswerteng hindi nasugatan.
Samantala, tinitignan naman ng pulisya ang kaukulang kaso na isasampa laban sa magulang ng 15-anyos na drayber ng sasakyan. Rey Velasco