Home METRO SUV sinuwag ng motorsiklo, mag-ama sugatan

SUV sinuwag ng motorsiklo, mag-ama sugatan

ILOCOS SUR-Sugatan ang isang 29-anyos na lalaki at anak nitong menor de edad matapos na aksidenteng mabangga ng kanilang motorsiklo ang sinusundan nilang Toyota Fortuner sa Brgy. Guimod, Bantay ng lalawigang ito kagabi, Marso 23.

Kinilala ng Bantay Municipal Police Station ang driver ng Rusi Macho 150 motorcycle na si Gerulbin Madriaga Pardo, Jr., 29, construction worker, residente ng Zone 5, Bantay, Ilocos Sur.

Kasama ni Pardo sa naturang sasakyan ang 2-anyos nitong anak na lalaki.

Nakilala naman ang driver ng Toyota Fortuner na si Elmerson Jay R Pilar Riego, 38, may asawa, Sangguniang Bayan Member, residente ng Busiing Norte, San Ildefonso, Ilocos Sur.

Base sa CCTV footage mula sa operation center ng Bantay, Ilocos Sur, ang dalawang sasakyan ay parehong bumibiyahe patungong hilagang direksyon sa national highway sa naturang lugar.

Pagdating sa pinangyarihan ng aksidente, ang Toyota Fortuner na nasa inner lane ay nag-signal light na magsasagawa ng left turn ngunit aksidenteng nabangga ito ng kasunod nitong motorsiklo.

Dahil dito, ang driver ng motorsiklo at ang anak nito ay nagtamo ng sugat sa iba’t parte ng kanilang katawan.

Ang mag-ama ay isinugod sa Ilocos Sur Provincial Hospital ng mga rumespondeng MDRRMC personnel.

Hindi naman nasaktan sa naturang aksidente ang driver ng Toyota Fortuner. Rolando S. Gamoso

Previous articleTulak tigbak sa buy bust ops
Next articleObrero binaril-patay ng nakaalitan