Home OPINION SWELDO NG SAFETY OFFICER, MALAKI NGA BA?

SWELDO NG SAFETY OFFICER, MALAKI NGA BA?

HALOS linggo-linggo, tinatambakan tayo ng mga tanong sa text at chat mula sa ating mga estudyanteng nagtapos ng 40-Hr Basic Occupational Safety and Health o BOSH course. May ilang nagpapahanap ng trabaho pero mas marami ang humihingi ng kasagutan tungkol sa suweldo? Hindi kasi namin napag-uusapan ang mga ganitong bagay sa klase dahil sa limitadong oras. Pero magkano nga ba?

Background muna ang talakayin natin, dear readers. Sa bagong batas na may kaugnayan sa pagpapatupad ng occupational safety and health, maaaring magmulta nang hindi  bababa saP40,000 kada araw ang isang kompanya kung wala itong nakatalagang safety officer o SO.

Sa ating pagmimiron sa mga jobsite at pagtatanong sa ilang kakilalang SO na ayaw magpabanggit ng pangalan, napag-alaman na umaabot sa P18,000 hanggang P20,000 ang suweldo ng pinakamababang kategorya, tinatawag silang SO1. Umaabot naman sa P25,000 hanggang P30,000 ang maaaring kubrahin ng isang SO2, pangalawang kategorya.

Sa pangatlong kategorya o SO3, maaari silang tumanggap ng P30,000 hanggang P45,000 at maaari pang madagdagan ito kung lisensiyado sila ng labor department bilang occupational safety and health (OSH) practitioner. Sa panghuli, pumapalo sa tumataginting na P50,000 hanggang P120,000 ang SO4 na may pinakamataas na kategorya. Maaaring madagdagan pa ito kung lisensyado siyang consultant.

Sa ibang bansa katulad ng Middle East, maaaring makatanggap ang isang SO ng buwanang suweldo mula P50,000 pataas. Mayroon ding tumatanggap ng P25,000 pataas kada araw o higit-kumulang sa P700,000 sa loob lamang ng 28 araw. Nakagugulat hindi ba?

Anoman ang pigura ng payslip ng isang SO, pinakamahalaga pa ring alamin at gampanan ang nakaatang na responsibilidad.  Kailangang pro-active, mabilis at tumpak ang bawat kilos sa iba’t-ibang sitwasyon. Halimbawa, sa outbreak ng diarrhea na nangyari sa Baguio City, dapat may nakahanda na siyang rekomendasyon at makatotohanang solusyon na mapag-uusapan ng safety and health committee upang makaiwas sa sakit mula sa tubig na kanilang iniinom ang mga namamasukan. Siya ang inaasahang competent person, coach o adviser para maprotektahan ang mga empleyado, kapaligiran at kompanya.

 

 

Previous articleKONTRIBUSYON NG PHILHEALTH TUMAAS NA NG 1%, EPEKTIBO NGAYONG BUWAN
Next articleShear line, amihan magpapaulan sa LuzViMin