Home HOME BANNER STORY SY 2023-2024 matatapos sa May 31 – DepEd

SY 2023-2024 matatapos sa May 31 – DepEd

MANILA, Philippines- Itinakda ng Department of Education (DepEd) ang pagtatapos ng school year 2023-2024 nang mas maaga sa iskedyul nito upang unti-unting makabalik sa lumang school calendar na April-May summer vacation.

Nakasaad sa Department Order 003, may petsang Pebrero 19, 2024, at nilagdaan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ang EOSY ay nakatakda sa May 31, 2024.

Samantala, ang SY 2024-2025 ay nakatakda namang magsimula sa Hulyo 29, 2024 at matatapos sa May 16, 2025.

Nangangahulugan na ang school break ngayong taon ay Hunyo 1 hanggang Hulyo 28, kabilang na ang weekends. Sa nakalipas, itinakda ng DepEd ang school break mula Hunyo 17 hanggang Agosto 25, 2024.

Sa isang panayam, sinabi ni DepEd spokesperson Undersecretary Michael Poa na ang naturang adjustment ay magbibigay-daan para sa “mabagal” na pagbabalik ng pre-pandemic school calendar.

“Paano kung mas bibilisan natin ‘yung pag-shift? But mako-compromise kasi ‘yung school days ng ating mga learners at mahihirapan din ‘yung ating mga teachers na maituro lahat ng competencies. So as you can see, magiging gradual ‘yung shift ng ating school calendar — back to the usual April-May break,” aniya.

Winika pa ni Poa na ang bilang ng mga nabawas na school days ay hindi naman ganoon kahalaga dahil nananatili pa rin naman ang 179 school days para sa kasalukuyang academic year.

Batay sa naging pagtataya ng DepEd, sinabi ni Poa na ang April school break ay maaaring magsimula sa pagtatapos ng SY 2026-2027.

“Ang tinitignan natin around 2026-2027, early April na, April 2 ‘yung last day ng class. So medyo nandoon na tayo. But if you want to go to March, I think it will be more on SY 2027-2028,” dagdag na wika nito.

Nauna rito, tinuran ni Poa na tatagal ng tatlong taon bago bumalik sa April-May ang school break.

Gamit ang adjustment ng kasalukuyang school year, ang third quarter examination ay inilipat sa March 25-26, habang ang fourth quarter ay nakatakda sa May 16-17.

Binigyang-diin naman sa DO 003 na ang non-voluntary o mandatory tasks o mga aktibidad ay kailangang ibigay sa mga guro sa gitna ng school break, mula Hunyo 1-30.

“Kahit na we are already making adjustments to shift back, we ensure na nandoon pa rin ‘yung 30 days from June 1 to June 30. Hindi po pwedeng magibigay ng volunatry or mandatory activities or tasks sa ating mga teachers para makapagpahinga sila and we made that clear,” ayon kay Poa. Kris Jose

Previous articleMANIBELA: Jade Castro, kasamahan palayain
Next article‘Korapsyon’ sa MILF cash grant tatalupan ng PH gov’t