Home NATIONWIDE Taas-presyo sa bigas bumungad ngayong Disyembre – sarbey

Taas-presyo sa bigas bumungad ngayong Disyembre – sarbey

MANILA, Philippines- Sa gitna ng El Niño phenomenon, umakyat ang presyo ng ilang agricultural commodities, tulad ng regular milled rice, sa pagpasok ng Disyembre.

Base sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas ang average retail price ng kilo ng well-milled rice sa P48.84 sa pagitan ng December 1 at 5, mula P46.61 sa unang bahagi ng November.

Mas mataas din ito ng piso sa P47.42 average price sa mga huling araw ng November.

Nauna nang sinabi ng Department of Agriculture na ang mga pananim tulad ng bigas at mais ang pinakaapektado sa  tagtuyot dulot ng El Niño, na inaasahang mas iigting sa susunod na taon.

Samantala, pinalawig ng Marcos administration ang pagbaba ng taripa sa bigas, na titiyak sa sapat na suplay at matatag na presyo ng bigas.

Pinanatili ang taripa ng bigas sa 35 porsyento para sa kapwa shipments sa minimum access volume (MAV) quota at para sa mga lampas sa quota.

Gayundin, tumaas ang presyo ng pulang sibuyas, na nagkakahalaga ng P181.3 sa unang bahagi ng November, ng P25 sa P206.85 sa pagpasok ng December. Sa pagtatapos ng November, mayroon itong average price na P192.18.

Lumobo naman ang presyo ng kilo ng karne ng baboy sa P290.91 sa nasabing period. Mas mataas ito kumpara sa P287.62 at P288.72 na naitala sa una at ikalawang bahagi ng November.

Gayundin, pumalo ang average retail price  ng saging na lakatan sa P83.47 kada kilo sa period, mas mataas kumpara sa P 81.03 na naitala sa unang bahagi ng November at P81.77 sa ikalawang bahagi.

Samantala, bumaba ang presyo ng kamatis, galunggong, at refined sugar sa nabanggit na period. RNT/SA

Previous articleManibela papasada pa rin kahit lampas na sa Dec. 31 deadline
Next article38 pang distressed OFWs balik-Pinas na