Home NATIONWIDE Taas-presyo sa produktong petrolyo, asahan bukas!

Taas-presyo sa produktong petrolyo, asahan bukas!

MANILA, Philippines – MATAPOS ang magkasunod na oil price rollback, magpapatupad naman ngayon ng taas presyo sa ilang produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa partikular na sa diesel at kerosene epektibo bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad ng dagdag presyo na P0.30 sa kada litro ng diesel at P0.65 naman sa kada litro ng kerosene habang wala namang paggalaw sa presyo ng gasolina epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May taas presyo sa mga nasabing produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 bukas ng hatinggabi habang ang CleanFuel naman ay magiging epektibo alas-4:01 bukas ng hapon.

Ang ipapatupad na dagdag presyo sa produktong diesel at kerosene ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado. JAY Reyes

Previous articleJoint patrol ng Pinas at Australia, idinaos
Next articleIsrael-linked tanker pinasok ng mga armado sa dagat na sakop ng Yemen