Home HOME BANNER STORY Taas-sahod sa Mimaropa kasado na sa Dis. 7

Taas-sahod sa Mimaropa kasado na sa Dis. 7

Simula Disyembre 7, ang mga minimum wage earners at household worker sa Region 4-B (Mimaropa) ay makakakuha ng mas mataas na sahod, sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) nitong Miyerkules.

Ito ay matapos maglabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) ng Wage Order RB-MIMAROPA-11, na nagbibigay ng P40 na dagdag sa minimum na sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor.

Sa kabilang banda, pinayagan ng Wage Order RB-MIMAROPA-DW-04, ang P1,000 pagtaas sa monthly pay ng kasambahays.

Kabuuang 46,861 minimum wage earners sa lahat ng sektor sa rehiyon ang inaasahang direktang makikinabang mula sa minimum wage hike.

Sa pagiging epektibo nito, ang daily minimum wage rates ay P395 para sa mga establisyimento na may 10 o higit pang manggagawa; at P369 para sa mga establisyimento na wala pang 10 manggagawa sa lahat ng sektor.

Sa kabilang banda, ang pagtaas ng sahod para sa mga kasambahay ay inaasahang makikinabang sa kabuuang 28,269 kasambahay – humigit-kumulang 21 porsiyento sa kanila o 5,800 manggagawa ay nasa live-in arrangement.

Dahil dito, nasa P5,500 ang buwanang sahod ng mga kasambahay sa rehiyon.

Sinabi ng DOLE na naaprubahan ang wage order noong Oktubre 24 at inilathala noong Nob. 21. Magkakabisa ito pagkatapos ng 15 araw mula sa pagkakalathala, o sa Disyembre 7.

Naging epektibo naman noong Hunyo 2022 ang huling wage order para sa mga manggagawa sa mga pribadong establisyimento at domestic worker sa rehiyon .

Binubuo ang Mimaropa ng mga probinsya ng Occidental Mindoro, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articlePinas ginagawa lahat para mapauwi ng ligtas ang nabihag na 17 Pinoy seafarer
Next articleMPD sa Christmas shoppers: Mag-ingat sa mandurukot