Home NATIONWIDE Taas-terminal fee sa NAIA ‘di agad ipatutupad – DOTr

Taas-terminal fee sa NAIA ‘di agad ipatutupad – DOTr

MANILA, Philippines—Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Lunes, Marso 18, na hindi tataas ang passenger service charge o terminal fee sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) hangga’t walang kapansin-pansin na improvement.

Naniniwala si Bautista na aabutin ng isa hanggang dalawang taon bago makita ang mga upgrade sa pangunahing international gateway ng bansa.

“Hindi kaagad pwede magtaas ng terminal fee. Ang usapan ay kailangan magkaroon ng notable improvement in service,” ani Bautista sa isang interbyu.

“Siguro after 1 year or 2 years makikita natin na maganda na ‘yung travel experience. Hindi na masyadong mahaba ‘yung pila, mas malamig ‘yung terminal,” aniya pa.

Binigyang-diin ni Bautista na ang San Miguel Corp. (SMC) SAP & Co. Consortium, na nakapagkamit sa P170.6-bilyong NAIA rehabilitation project, ay dapat matugunan ang mga hakbang na itinakda ng pambansang pamahalaan upang mapabuti ang karanasan sa paglalakbay sa Naia.

Bahagi ng kasunduan sa public-private partnership (PPP) para sa pag-upgrade ng NAIA ang pagpapalawak ng imprastraktura ng Naia, na tinatayang nagkakahalaga ng hindi bababa sa $2.5 bilyon, ayon kay Bautista.

“‘Yung [extension ng] Terminal 2 doon sa may Philippine Village Hotel, at doon sa dating Nayong Pilipino; Sa Terminal 3, ‘yung dulo noon pwede magkaroon ng extension, may mga lote pang available doon; Terminal 1, ‘yung parking area doon pwede magkaroon ng counters,” paliwanag pa ng opisyal.

Gayunman, ipinaliwanag ni Bautista na ang mas malaking bahagi ng kita sa terminal fee ay mapupunta pa rin sa operator para mabayaran ang mga gastusin tulad ng suweldo ng mga tauhan at contractor at mga gastos sa pagpapatakbo ng paliparan. Sinabi ni Bautista na ang terminal fee ay higit sa 40 porsiyento ng kabuuang kita ng NAIA. RNT

Previous articlePekeng alok na scholarship ibinabala ng DepEd
Next articleTraining, patas na sahod sa riders solusyon vs lumalalang aksidente sa daan