MAYROON na ba tayong nabalitaang nagsampa ang pamahalaan ng “economic sabotage” sa isang smuggler? Parang wala pa.
Kailangan talagang may mabigyan ng sampolan sapagkat kapag nangyari iyon, masasabi ng ganid na smugglers na seryoso at matuwid ang pamahalaan.
Kailangang maipatupad ng tama ang batas kaya hindi kailangan ang amendment. Hindi tugma ang panukalang Senate Bill1812 sa pinakalayunin ng Republic Act 10845.
Hindi na kailangan at ‘di rin naman mahalaga na amiyendahan ang RA 10845 o ang Anti-Smuggling of Agricultural Products Law para lamang maisama ang tabako, hilaw man o sigarilyo na ito, gaya ng isinasaad ng panukalang Senate Bill 1812.
Layon ng RA 10845, lalo ang Section 2 nito ay nagsasaad na “patakaran ng bansa ang isulong na maging produktibo ang sektor ng agrikultura at proteksiyonan ang mga magsasaka sa mga ganid na mangangalakal at mga importer.
Ang pangunahing produkto ng agrikulturang binabanggit sa RA 10845 ay ang mga “asukal, mais, karneng baboy at manok, bawang, sibuyas, carrots, isda sugar, corn, pork, poultry, garlic, onion, carrots, fish, at iba pang hilaw na mga gulay, na dumadaan sa simpleng proseso ng paghahanda para lumapag sa merkado.”
Maling polisiya kung ang tabako o sigarilyo ay isasama bilang mahalagang produkto ng agrikultura. Hindi naman kinakain ang tabako. ‘Di ito mahalaga na isama sa ating mga hapag kainan.
Dahil sa napatunayang siyentipikong mapaminsalang epekto, ang tabako o sigarilyo ay kinokontrol ng pamahalaan.
Ang mga nakalistang pagkain sa RA 10845 ay kinakailangan ng ating kalusugan at sa kaligtasan ng bawat Filipino pero ang tabako o sigarilyo ay isang bisyo at nilapatan na nga ng “sin tax” kasama sa alak.
May mga batas na rin at mga panuntunan para mabawasan ang tabako at paninigarilyo lalo ng kabataan.
Ang bigas, asukal, gulay at mga karne ay nagbibigay kalusugan. Ang tabako at sigarilyo ay pumapatay.
Sa madaling sabi, ang tabako at sigarilyo ay nabibilang sa ibang tinatawag na “agricultural products” at di kailangang isali sa listahan ng agricultural products sa RA 10845.
Ang kailangan ay ang matinding pagpapatupad ng batas upang ‘di na maulit ang nangyari sa sibuyas.
Kumpleto-rekado na ang RA 10845 kaya di na kailangang dagdagan ang mga tinatawag na ‘essential food commodities’, lalo na ang tabako na hindi naman esensyal.