MANILA, Philippines – Posibleng ideklara na sa susunod na linggo ang pagsisimula ng tag-ulan sa bansa, ayon sa PAGASA nitong Biyernes, Mayo 26.
Sa pulong balitaan, sinabi ni PAGASA Deputy Administrator for Research and Development Esperanza Cayanan na maaari nang ideklara ang tag-ulan kung pumasok sa rainfall criteria ng PAGASA reference station ang mga pag-ulan.
“Nandito na yung criteria ng rainfall sa mga reference stations natin and malamang makukuha na ‘yung requirement na ulan. So nakikita natin sa ngayon na ‘yung next week, ito na ‘yung possibleng magdeklara tayo ng rainy season,” ani Cayanan.
Sinabi pa niya na ang rainy season ay iba sa Southwest Monsoon o Habagat.
“Kase meron na tayong southwesterly wind flow, so nagpapakita na nag-aactivate na yung soutwest monsoon. Pero yung rainy season kasi is based on the rainfall criteria. Mas malawak yung area na dapat na nakakareceive ng pag-ulan,” aniya.
“So by next week, early next week, possibleng na tayong magdeklara ng onset ng rainy season,” dagdag pa nito. RNT/JGC