NAGDESISYON kamakailan ang Supreme Court na baligtarin ang pasya ng Court of Appeals na dapat makulong ang isang mister sa hindi pagbibigay ng suportang pinansiyal sa kanyang misis.
Sa kasong ito, natukoy sa iprinisintang ebidensiya na hindi nakipag-ugnayan ang misis sa mister para humingi ng suportang pinansiyal bago naghain ng kasong kriminal laban sa asawa.
Pinagdudahan ng SC ang motibo ng misis na agarang sampahan ng kasong kriminal ang mister gayung walang ginawa ang ginang sa nakalipas na 13 taon upang humingi ng sustento mula sa asawa, kaya tinawag itong “dubious.”
Ayon kay Justice Samuel Gaerlan, na sumulat sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, ang kabiguan o kawalang kakayahan ng isang mister na magbigay ng suportang pinansiyal sa kanyang misis ay hindi awtomatikong nagkukuwalipika sa kanya sa krimen ng paglabag sa Republic Act 9262, o Anti-Violence against Women and their Children Act.
Tinawag pa nga ni Gaerlan na “unfair” ang naging desisyon ng CA nang pinagtibay ang pasya ng korte na ikulong ang mister ng dalawa hanggang anim na taon dahil sa umano’y “economic abuse” laban sa misis nito.
Saludo ang Firing Line sa SC sa paninindigan sa tunay na diwa ng batas at sa paglalapat ng hustisya sa kapwa kalalakihan at kababaihan kaugnay ng RA 9262. Nakatutuwang binigyang-diin ni Gaerlan ang parehong obligasyon ng mag-asawa na magbigay ng suporta sa isa’t isa, nilinaw na hindi solong responsibilidad ng mister ang pagsusustento sa kanyang misis.
Nakatutuwang mapagtanto na sa batas, gaya nga ng isinulat ni Gaerlan, ay malinaw na tinutukoy na ang misis ay mayroong “parehong obligasyon” na sustentuhan din ang mister. Nilinaw ng SC na walang intensiyon ang Anti-Violence against Women and their Children Act na magtakda ng mas malaking responsibilidad sa mga mister o gamitin ang prosekusyong kriminal para puwersahing magbigay ng suportang pinansiyal ang kalalakihan.
Sablay sa pagiging suwabe
Akala yata ni Senator Robinhood Padilla ay grooming salon ang Senado. Pare, kung gusto mong magsuklay ng bigote, gawin mo ‘yan sa restroom. Nakita mo ba ang sinoman sa mga senadora na nagre-retouch ng foundation o nagli-lipstick sa kalagitnaan ng pagdinig? Bukod sa pagiging “noisy” – na napansin ni dating Senate president Franklin Drilon – dapat na nasa agenda rin ng Senado ang pagkakaroon ng tamang decorum.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.