Home NATIONWIDE Taktikang Duterte vs iligal na droga, kailangan – Bong Go

Taktikang Duterte vs iligal na droga, kailangan – Bong Go

265
0

MANILA, Philippines – Sa gitna ng ulat na paglaganap ng mga kaso ng droga na kinasasangkutan ng ilang miyembro ng Pambansang Pulisya, nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa gobyerno na magpatupad ng mas mahigpit at mabagsik na hakbang upang malabanan ang patuloy na hamon ng iligal na droga at kriminalidad sa bansa.

Sa isang ambush interview matapos tulungan ang mga nasunugan sa Sta. Cruz, Maynila, sinabi ni Go na ang pagpuksa sa iligal na droga at kriminalidad ay nangangailangan ng multifaceted approach na parehong sumasaklaw sa pagpapatupad ng batas at reporma sa lipunan.

Binanggit ang inspirasyon ng matagumpay na kampanya sa nakaraang administrasyon, ipinahayag ni Go na ang mga katulad na taktika at diskarte ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay kinakailangan upang magpatuloy ang mas ligtas na lipunan.

Idinagdag niya na ang mas pukadong pagtutok laban sa mga isyu sa droga ay makatutulong sa pagbuo ng maayos na bansa.

“Ako po ay nasasayangan kung mawala ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, ‘yung inumpisahan niyang labanan po itong iligal na droga. Alam n’yo kapag bumalik po ang iligal na droga, babalik po ang korapsyon sa gobyerno, nabibili eh. At babalik po ang kriminalidad, ‘yun po ang takot ko dito. Itong pulis medyo kamay na bakal ang kailangan dito. Kailangan talagang takutin,” iginiit ni Go.

Sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs noong Martes, tinanong ni Go ang pamunuan ng PNP tungkol sa kanilang saloobin sa posibleng pag-tap kay dating Pangulong Duterte bilang anti-drug czar ng gobyerno kung isasaalang-alang ang kampanya ng huli na nakitaan ng kapansin-pansing pagbaba ng bilang ng krimen.

“Ako naman, sabi ko nga prerogative po ‘yan ng appointing authority, ang mahal na Pangulong Bongbong Marcos. Kung saka-sakali naman, malaking tulong po si dating Pangulong Duterte. Ibig sabihin, ang kailangan dito ay talagang kamay na bakal, takutin mo talaga. Pero kailangan may ngipin. Kung gagawin man siyang drug czar dapat may ngipin kasi kapag walang ngipin hindi katatakutan ‘yan,” ayon kay Go.

“Napag-usapan lang po ‘yun dahil talagang dismayado tayo sa mga nadiskubreng kalokohan. Mga pulis pa naman itong mga ito, dapat nga kayo ang magprotekta sa taumbayan, kayo pa ang pumasok sa droga,” anang senador.

Suportado naman ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang ideya sa pagsasabing, “Ako, personally, maganda sana kasi babalik ang takot ng mga drug syndicates, particular ‘yung mga pulis na involved—’yung ninja cops . Matatakot at matatakot talaga ‘yan.”

Binigyang-diin din ni Go ang kahalagahan ng agarang pagtugon sa mga pinagbabatayan isyu na nag-aambag sa mga problemang ito.
Nanawagan siya na palakasin ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensyang nagpapatupad ng batas upang matiyak ang isang holistic na diskarte sa paglaban sa mga isyung ito.

“Dapat himayin nang mabuti, kasuhan na po ang dapat kasuhan. Ihiwalay po ang mga bulok para hindi makahawa at lumabas po ang katotohanan. At suportado ko si Sen. Bato dela Rosa sa kanyang layuning malaman ang katotohanan,” sabi ni Go.

Ayon kay Go, kumbinsido siya na nagtataglay ng kinakailangang determinasyon si Pangulong Marcos upang ipatupad ang mga epektibong hakbang na tutugon sa problema sa droga. RNT

Previous articleManager ni Herlene, inirereklamo!
Next articleTag-ulan posibleng magsimula sa susunod na linggo – PAGASA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here