INAASAHAN bang ang ‘courtesy resignation’ ni Ma.O Rañada Aplasca mula sa Office for Transportation Security ay hahaplos sa puso ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.? Malinaw namang sinabihan ng pinsan ng Punong Ehekutibo, si Speaker Martin Romualdez, si Aplasca na magbitiw sa puwesto kung ayaw nitong harapin siya sa Kamara nang may posibilidad na mabigyan ng zero budget ang OTS.
Sa kanyang liham, sinabi ni Aplasca na pinangungunahan niya ang isang kampanya kontra korapsyon. Ang katwiran niyang ito ay dapat na isinapribado na lang, dahil bilang deklarasyon sa publiko, nakatatawa ang datingan, gaya nang kung paanong nasapul ng camera ang tauhan ng OTS habang nangungupit sa bagahe ng isang pasahero, ‘tsaka puwersahang nilunok ang dolyares na papel, na para bang nasa handaan lang.
Huwag nating kalimutan ang babaeng nasa scanner na tinangka tayong kumbinsihin na chocolate bar ang kanyang isinubo matapos na parang magic niyang nilunok ang ilang piraso nang tinupi-tuping hundred-dollar bills. Para bang isang pangit na magic show na walang kumpas-kumpas.
Ngayon, gusto tayong paniwalain ni Aplasca na isa siyang mabuting pinuno, handang isakripisyo ang kanyang sarili para sa “greater interest.” Pass kami sa kadramahan. Three strikes sa kagawaran ng mga corrupt at namaalam na si Aplasca dahil lang pinalayas na siya. Maniwala ka sa akin, mas mahihirapan ka lang kung mananatili ka sa puwesto.
Nangangailangan ng seryosong makeover, hindi panibagong exit speech, ang OTS. Ang pagbibitiw sa puwesto ni Aplasca ay maaaring sa maayos na paraan at hindi pupwedeng maging dahilan ng selebrasyon ng sinoman.
Pero dapat itong magsilbing paalala sa papalit sa kanya – na bwisit tayong lahat kung paanong naging kalakaran na sa OTS ang lantarang korapsyon.
Saan ang next, Mr. President?
Ang nakalululang P1.15-bilyon travel budget ng Pangulo para sa 2024 ay ikinataas ng kilay ng marami at dapat busisiin. Hindi naman lingid sa lahat na record-breaking ang serye nang pagbibiyahe ng administrasyong ito, na para bang nangongolekta lang ng passport stamps ng Mabuhay Miles ng PAL.
Pero may malaking katanungan sa likod ng dambuhalang dagdag-budget na ito: talaga nga lang bang maraming biyahe ang Presidente o baka naman isa siyang pinuno ng bansa na extended ang bakasyon?
Ang pagdodoble sa kanyang travel fund na nasa P671 milyon ngayong taon – at pagbibiyahe palabas ng bansa bawat buwan — ay natural lang na pagmulan ng mga espekulasyon tungkol sa mga plano ni PBBM sa susunod na taon. Masasaksihan ba natin ang dinoble ring mga biyahe abroad o kaya naman ay mas malaking grupong nagkakasiyahan sa exotic getaways, lahat ay ginastusan ng buwis ng taumbayan?
Isa itong matapang na hakbangin na nagbibigay-daan sa pagkuwestiyon sa pananagutan at responsableng paggastos.
Giit ng mga pabor, layunin ng mga biyaheng ito na makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa, pero base sa pinakabagong datos, iba ang kuwento ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Malaki ang ibinaba ng foreign direct investments: 3.9 porsiyentong year-on-year nasa $484 million noong Hunyo. Ayon sa isang report, sa unang kalahati ng taon, ang “FDI net inflows dropped 20.4% to $3.9 billion.”
Kailangan pa ba nating tanungin ang Presidente kung epektibo ang ganitong magagastos na pasyal?
Sa panahon ng krisis, dapat na naroroon ang leadership, at hindi iyong laging nasa labas ng bansa.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).