Home OPINION TAMAD NA PULIS, BAWAL SA NCRPO

TAMAD NA PULIS, BAWAL SA NCRPO

153
0

SINIBAK ni Manila Police District director PBGen Andre Dizon ang buong pwersa ng SIBAMA Police Community Precinct na nasa ilalim ng Sampaloc Police Station (MPD PS4) base sa reklamo ng mga residente sa nasasakupan ng mga ito.

Labing-apat na tauhan ng Simon-Basilio-Maceda PCP ang inalis kabilang ang commander nito na si PMaj Jade Dela Torre. Si Dela Torre ay pinalitan ng isang opisyal mula sa District Mobile Force Battalion.

Nabatid kay Dizon na ang kanyang aksyon na pagsibak sa buong pwersa ng PCP ay bunga na rin nang natanggap niyang reklamo mula sa mga residente ng Sampaloc na hindi naramdaman ng komunidad ang presensya ng mga pulis dahil hindi ang mga ito nakikita sa kanilang pamayanan.

Kung hindi nga naman nararamdaman ng komunidad ang mga pulis, ibig sabihin, ang mga ito ay nasa loob lang ng kanilang opisina na posibleng air-conditioned kaya pasarap lang ang mga ito sa maghapong trabaho o duty.

Tiyak na ang mga pulis na ito ay hindi nagpapatrulya o nag-iikot sa lugar na kanilang nasasakupan at hindi ang mga ito nagpapakilala sa mga residente kaya naman tiyak na hindi nakalalapit sa kanila ang mamamayan upang humingi ng tulong.

Sa madaling salita, tamad ang mga pulis na ito at hindi marunong makisama sa mamamayan.

Matatandaang sa pag-upo ni National Capital Region Police Office director PBGen Jose Melencio Nartatez Jr., ang “first order of the day” nito ay ang utos sa lahat ng opisyal at tauhan na kanyang nasasakupan na bumaba sa komunidad at magserbisyo sa mamamayan.

Para kay Nartatez, kilala bilang “Tateng”, hindi kailangang ang pulis ang puntahan ng mamamayan sa oras nang pangangailangan subalit kailangan may numero sila sa mamamayan o sa puno ng pamayanan upang hindi mahirapan kapag nangailangan ng tulong.

Ang mga pulis ng NCRPO ay handang magserbisyo at bawal ang tamad sa pamunuan ni Nartatez.

Noong Agosto 24, ipinag-utos ni Nartatez ang pagsibak sa hepe ng MPD- Moriones Police Station na si PLtCol Rosalino Ibay Jr. dahil sa hindi pagdalo o madalas na pag-absent sa mga command at district conference.

Sa ngayon, nakatalaga si Ibay sa NCRPO Regional Headquarters Support Unit.

Ayon naman sa ilang impormante, nagalit si RD Tateng kaugnay sa mga impormasyon na nakarating sa kanya na ang hindi pagdalo ni Ibay sa mga patawag na conferences ay dahil wala ito sa bansa.

Nakita umano sa ilang post ni Ibay sa FB page na naggagala ito sa Hong Kong.

Pero may ilang nagsasabi na nakarating sa regional director ang sumbong laban kay Ibay dahil na rin sa ilang barangay officials na galit sa dating station commander.

Ang pagsibak kay Ibay at 14 na pulis ng SIBAMA ay patunay lang na hindi kinukonsinte ng pamunuan ni Nartatez ang mga tamad at abusadong pulis na ang nais lang ay tumanggap ng kanilang buwanang sahod pero ayaw naman magpatulo ng pawis at nais magpasarap lang at kilalanin ng tao ang kanilang uniporme.

Ngayon, ang mga nasibak ay magsisilbing halimbawa at babala sa mga tamad na pulis. Ang RD ng NCRPO ay mabait at mahusay na opisyal subalit kilala ito sa pagiging istrikto.

Previous articlePilipinas maglalabas ng bagong mapa sunod sa 2016 arbitral ruling, UNCLOS
Next articleAKP, CV AT TGP SA DAINE INDANG NAGKAISA NA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here