
HINIHIMOK ni Senator Francis “Tol” Tolentino ang Department of Science and Technology na palakasin ang produksyon ng Tamban, isang uri ng isa na ginagamit sa de-latang sardinas na karaniwang iniuulam ng mahihirap na Pilipino.
Sa naganap na budget briefing ng DOST sa Senado noong nakaraang linggo, iginiit ng mambabatas na dapat mas madagdagan pa ang produksyon ng isdang Tamban para na rin sa food security program ng pamahalaan.
Anang senador, ang DOST ay mayroong kasalukuyang 438 na proyekto kaugnay ng food security kaya naman inaasahan niya na palalakasin ng nasabing ahensiya ang produksyon ng isda nang sa gayon ay maging metatag ang seguridad sa paggawa ng sardinas.
Ipinagdiinan ni Tolentino sa mga opisyal ng DOST na malaking tulong ang nagagawa ng produksyon ng de-latang sardinas sa mga Pilipino dahil ito ang madalas na ginagawang pang-ulam lalo na kapag tag-ulan.
Madalas din, aniya, na ang de-latang sardinas kasabay ng noodles ang ginagamit na relief goods kapag may mga relief operation sa mga sinalanta ng bagyo o kahit mga nasunugan.
Kung masisimulan kaagad, inihalimbawa ng mambabatas sa DOST ang pagpaparami ng isdang Bangus sa Dagupan at Pangasinan na ang ‘fingerlings’ ay mula sa Iloilo.
Pwede nga namang sa ibang lugar kumuha ng mga itlog ng isdang Tamban na aalagaan at palalakihin o palalakasin ang produksyon.
Dagdag ni Tolentino, dapat palawigin ng DOST ang “Balik Scientist Program” para sa mga pananaliksik tungkol sa agrikultura at seguridad sa pagkain. Diin pa niya, ang mga Pilipinong siyentipiko ay makatutulong para sa pagbuo ng Tamban Fish Hatchery, paggawa ng bakuna laban sa African Swine Fever o ASF at pagpaparami ng ani ng bigas at asukal.
Ayon sa DOST, sa pamamagitan ng Balik Scientist Program, mayroong 625 na mga Pilipinong siyentipiko na bumalik para magsilbi sa Pilipinas nang pansamantala at pangmatagalan. May 29 na porsiyento sa kanila ang tumutulong para sa pag-aaral sa agrikultura at seguridad sa pagkain.
Naniniwala si Tolentino na mabibigyang lakas ang food security kung pagtutuunan ng pansin ng mga nasa pamahalaan kahit pa ang problemnag ito ay halos mahigit 30 taon na.
Noong panahon nang panunungkulan ni Strongman Ferdinand Marcos, sapat at maganda ang produksyon at seguridad ng pagkain sa bansa. Maganda ang ani ng mga magsasaka at sagana sa huling laman-dagat ang mga mangingisda.