Home METRO Tambay arestado sa granada sa Valenzuela

Tambay arestado sa granada sa Valenzuela

MANILA, Philippines – SWAK sa selda ang isang tambay matapos mahuli sa aktong nagbebenta ng granada sa Valenzuela City.

Kinilala ni PSMS Roberto Santillan ang naarestong suspek na si Marlon Dela Cruz, 29 at residente ng Doque St., Brgy., Malanday ng lungsod.

Sa report nina PSSg Julius Congson at PCpl Raquel Anguluan kay Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr., nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang Malinta Police Sub-Station 4 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Doddie Aguirre hinggil sa isang lalaki na nagbebenta umano ng granada sa Makisig St., Area 1, Pinalagad, Brgy. Malinta.

Kaagad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng SS4 sa pangunguna ni PSMS Santillan kung saan nakita nila ang suspek na may kausap na isang lalaki habang may hawak na granada dakong alas-10:30 ng umaga.

Nilapitan siya ni PSMS Santillan saka inaresto at nakumpiska sa kanya ang hawak na isang Grenade Hand Fragmentation MK2 HE bago humingi sila ng tulong sa Station Explosive and Canine Unit (SECU) para ligtas at maayos na maturn-over ang nasabing pampasabog.

Ipinadala ni Col. Destura sa Regional Explosive Canine Unit ng National Capital Region Police Office (RECU-NCRPO) upang masuri kung aktibo at sasabog pa ang granada.

Ani PSMS Santillan, kasong paglabag sa RA 9516 (Illegal/Unlawful Possession of Explosive) ang isasampa nila laban sa suspek sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. Rene Manahan

Previous articleKelot timbog sa P122K shabu sa Las Piñas
Next article12 senador pumirma sa panel report sa pag-endorso ng medical marijuana bill