MANILA, Philippines – “That’s a very stupid and very irresponsible insinuation. That’s not true.”
Ito ang naging pahayag ni Police Brigadier General Nicolas Torre III, District Director ng Quezon City Police District (QCPD) sa akusasyong sinubukan umano nilang harangin ang balak na paghahain ng reklamo ng siklistang tinutukan ng baril ng dating pulis sa isang road rage incident sa Quezon City.
Matatandaang nag-viral nitong weekend ang video kung saan makikitang sinaktan at tinutukan ng baril ng isang drayber ng kotse ang siklista.
Kinumpirma ni Torre na ang may-ari ng sasakyan sa viral video ay isang retiradong pulis na kinilalang si Willy Gonzales.
“Kung ganyan akong klaseng pulis hindi ako maghe-heneral,” ani Torre, sa panayam ng Radyo 630 nitong Lunes kung totoo ba ang tangka umanong pagharang sa paghahain ng kaso laban kay Gonzales.
“Napaka bobo naman [kung] gagawin ng isang pulis ‘yan at naka record pa. That’s very unbecoming for a police officer to insinuate that a complainant will not file a case against a person,” pagpapatuloy niya.
Iginiit ni Torre na ang 63-anyos na retiradong pulis ay walang maiaalok sa kanya sa puntong kailangan niyang suwayin ang sinumpaang tungkulin.
“We are going to reach out today with Attorney Raymond Fortun, [legal counsel ng siklista] para makuha ang statement ng kanyang kliyente para ma-file namin ang kaso against Gonzales,” sinabi pa ni Torre.
Samantala, sa hiwalay na pahayag sa Facebook, sinabi ni Fortun na isinama sa istasyon ng pulis ang kanyang kliyente matapos ang insidente noong Agosto 8.
“There he was forced to sign an agreement that they had agreed upon and he admitted that he was at fault. Not only that – he even paid P500 because he scratched the ex-policeman’s car,” ani Fortun.
Pinagbantaan din umano ng pulis ang uploader ng viral video.
“There can be no criminal case without the cooperation of the victim. But that does not mean that we, the public, are left helpless,” ayon pa kay Fortun.
Gagawa naman ng hakbang si Fortun upang mapanagot ang drayber. RNT/JGC