Home NATIONWIDE TAPE umapela sa CA sa pagbaligtad ng desisyon pabor sa TVJ

TAPE umapela sa CA sa pagbaligtad ng desisyon pabor sa TVJ

MANILA, Philippines – Dumulog sa Court of Appeals ang Television and Production Exponents Inc. (TAPE) para mabaligtad ang desisyon ng Marikina RTC na nagbabawal sa kanila na gamitin ang titulong “Eat Bulaga” at “EB”.

Naghain ng petition for temporary restraining order and preliminary mandatory injunction ang TAPE para mapawalang bisa ang desisyon ng Marikina Regional Trial Court Branch 273 kaugnay sa copyright infringement and unfair competition case na isinampa nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon at Jeny Ferre laban sa TAPE at sa GMA Network.

Nakasaad sa 53 pahinang petisyon ng TAPE na nagkamali ang Marikina RTC sa naging ruling nito sa trademark ownership at cancellation ng “Eat Bulaga” dahil kaso umano ito dapat ng copyright infringement.

Sinabi ng TAPE na batay sa reklamo ng TVJ at ni Ferre, ang basehan ng unfair competition ay hindi dahil sa trademark issue kundi dahil sa pag-ere ng mga replayed episodes ng ‘Eat Bulaga’ na kasama ang TVJ noong Hunyo 1 hanggang 3, 2023.

Iginiit ng TAPE na ang trademark ownership at trademark cancellation ay hindi kasama sa hinihinging relief ng TVJ sa kanilang reklamo.

Magugunita na sa ruling ng Marikina RTC, pinagbawalan ang TAPE at GMA Network na gamitin ang “Eat Bulaga” jingle at pag-ere ng mga lumang episode ng “Eat Bulaga” o mga episodes bago noong Mayo 31, 2023.

Inatasan rin ng korte ang TAPE na bayaran ang TVJ ng P2 million dahil sa unfair competition at copyright infringement, exemplary damages na P500,000 at attorney’s fee na P500,000. Teresa Tavares

Previous article24 baboy sa Cagayan patay sa ASF
Next articleDENR, pulisya nagkasa ng search warrant sa DBSN