MANILA, Philippines – IBINIDA ng pamunuan ng Bureau of Customs (BOC) na nalagpasan nila ang inaasahang koleksyon nitong buwan ng Setyembre.
Ayon sa BOC, nakakolekta sila ng kabuuang P79.225 bilyon sa mga duties and taxes, na lagpas sa inaasahan nilang P76.445 bilyon noong Setyembre 2023 kung saan mas mataas ito ng P2.780 bilyon o 3.64%.
Nalagpasan din ng BOC ang target na kita nito para sa Enero hanggang Setyembre 2023 kung saan nakakolekta sila ng P660.716 bilyon na lagpas sa inaasahan nilang P644.185 bilyon o mas mataas ng 2.57% na may katumbas na P16.531 bilyon.
“Under the stewardship of Commissioner Bienvenido Y. Rubio, effective customs operations, increased trade activity, and rigorous revenue collection efforts were put in place, which paved the way for the BOC’s consistent remarkable collection performance,” saad ng BOC.
Bukod dito, kamakailan ay nakipagtulungan ang BOC sa Department of Trade and Industry (DTI), Strategic Trade Management Office (STMO), at ARISE Plus Philippines upang isulong ang pagpapadali ng mga pamamaraan sa customs at paigtingin ang trade competitiveness nito.
Kaugnay nito, matagumpay na naisagawa ng Bureau ang 730 anti-smuggling operations na nagresulta sa pagkakasamsam ng P35.963 bilyong smuggled goods. Ipinapakita nito ang pangako ng BOC na paigtingin ang proteksyon sa hangganan at hadlangan ang mga iligal na aktibidad. JAY Reyes