Home NATIONWIDE Tattoo ban sa PNP sinuspinde muna

Tattoo ban sa PNP sinuspinde muna

MANILA, Philippines – Ipinagpaliban ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatupad ng patakarang nagre-regulate ng mga tattoo sa mga opisyal at aplikante nito.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na inutusan ni chief Gen. Rommel Francsico Marbil ang Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) na repasuhin ang Memorandum Circular 2024-023 na nag-uutos sa mga uniformed at non-uniformed personnel na tanggalin ang kanilang nakikitang mga tattoo.

“Nagsalita rin ‘yung ating Chief PNP Gen. Marbil at sinabi niya sa ating mga concerned directorate, particular ‘yung DPRM, na muling pag-aralan itong circular na ito dahil na-ipasa ito noong panahon ng dating PNP chief Benjamin Acorda Jr.,” ani Fajardo sa Saturday News Forum sa Quezon City nitong Abril 27.

Sinabi ni Fajardo na nais ni Marbil na suriin ang patakaran bago ang buong pagpapatupad nito, partikular na ang probisyon na kailangang tanggalin ng mga opisyal at kawani ang lahat ng nakikitang tattoo habang naka-uniporme dahil may kinalaman ito sa mga isyu sa kalusugan at pananalapi.

Nauna nang sinabi ni Fajardo na ang mga pulis na mayroong mga tattoo ay kinakailangang magsagawa ng affidavit, na nagdedeklara ng kanilang mga marka na hindi nakikita.

Ang patakaran ay hindi kasama ang mga aesthetic tattoo, tulad ng ngunit hindi limitado sa kilay, eyeliner o labi, sabi ni Fajardo.

Sinabi ng PNP na ang mga hindi awtorisadong tattoo ay kinabibilangan ng extremist, ethnically, o religiously discriminatory and offensive, indecent tattoos, racist, sexist, at mga tattoo na nauugnay sa mga ipinagbabawal o hindi awtorisadong grupo.

Sinabi ni Fajardo na ang mga pulis na tumatangging sumunod sa patakaran ay mahaharap sa mga kasong administratibo.

Nauna rito, binatikos ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua ang utos bilang labag sa konstitusyon, at sinabing ang mga tattoo ay mga artistikong ekspresyon at pinoprotektahan ng karapatang malayang pagpapahayag. Santi Celario