MANILA, Philippines- Inihayag ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na napatunayang “guilty” sa pagnanakaw ang babaeng security screening officer na nahuli sa closed circuit television (CCTV) na lumulunok ng umano’y dollar bill.
Nabatid kay Bautista na bukod sa babaeng screening officer sa CCTV, nahaharap ngayon sa mga kasong administratibo at kriminal ang tatlo pang tauhan ng Office for Transportation Security (OTS).
Sinabi ni Bautista na ang ulat ng imbestigasyon ay naipasa na sa kanyang tanggapan na nagpapahiwatig na may nagawang maling gawain.
Ang mga $300 bill ay ninakaw umano mula sa isang dayuhang pasahero kung saan sa pagreview sa CCTV footage ay nakita sa aktong may nilulunok ang isang babaeng screening officer.
Sa kabila nito, itinanggi ng babaeng officer na pera ang kanyang nilulunok kundi tsokolate.
Ang nasabing insidente ang naging dahilan ng pagbibitiw ni OTS administrator Ma. Aplasca matapos sabihin ni House Speaker Martin Romualdez na personal niyang haharangin ang budget ng ahensya kung hindi umano ito aalis.
Samantala, Hinikayat ni Sen. Grace Poe ang pangasiwaan ng OTS na mahigpit na ipatupad ang one-strike policy laban sa tauhan at opisyal nito na sangkot sa anumang uri ng modus operandi o kriminalidad partikular ang pagnanakaw sa pasahero.
Sinabi ni Poe na kapag naipatupad ang naturang panukala, “mabubunot” ang mga undersirables mula sa hanay ng mabubuting indibidwal at makatutulong sila sa pagpapanatili ng integridad ng tanggapan na nabahiran ng korapsyon at kontrobersiya.
“Ang kailangan natin sa ating mga airport ay mga bantay sa ating seguridad, hindi bantay-salakay,” ayon kay Poe.
Sinabi ng chairperson ng Senate committee on public services na dapat maipatupad ang matitigas na pagkilos laban sa tiwaling tauhan upang magsilibing senyales na seryoso ang tanggapan na magkakaroon ng reporma sa kanilang hanay.
“Dapat isagawa ang imbestigasyon nang mabilis at sumasandig sa matitibay na ebidensiya na di maiiwan ng lugar sa panghihimasok,” aniya.
Ayon kay Poe, hindi mapapagkatuwiranan ang huling insidente ng paglulon ng $300 na sinasabing ninakaw sa isang pasahero upang isagawa ang ilegal na pagkilos.
Iginiit pa ng senadora na dapat matapang na maipakita ang OTS ang pagsasagawa ng pagbalasa sa sistema nito na binabalutan ng kapalpakan at korapsyon sa loob ng maraming taon.
Iminungkahi din ni Poe ang pagrerebyu sa patakaran sa recruitment kasabay ng pagsasagawa ng masusing background check sa kasalukuyang empleyado.
Kailangan ding kumilos ng ahensya upang mapahusay ang kompensasyon at benepisyo sa tauhan, dagdag ng senadora.
“Kailangan matukoy natin ang bugok na itlog na sumisira sa imahe ng OTS. Agrabiyado naman ang mga matatapat na tauhan na gumagawa ng kanilang tungkulin at nagiging hadlang sa paghahatid at pagbibigay ng mas mahusay na serbisyo sa ating mamamayan,” ayon kay Poe. JAY Reyes/Ernie Reyes