Home METRO Taxi driver na naningil ng P10K sa pasaherong Taiwanese, tinutugis

Taxi driver na naningil ng P10K sa pasaherong Taiwanese, tinutugis

MANILA, Philippines – PINAGHAHANAP ng mga awtoridad ang taxi driver na naniningil sa kanyang mga pasaherong Taiwanese ng aabot sa P10,000 bawat isa para sa biyahe mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 hanggang Terminal 4.

Nabatid na ang nasabing insidente ay nag-viral sa social media makaraang mai-upload ang video kung saan ikinulong pa ng driver ng taxi ang kanyang mga pasahero hanggang sa mabayaran nila ang napakataas na singil nito.

Gayunpaman, hindi nakuha sa video ang plate number o body number ng sasakyan.

Sa video, makikita na isang pekeng listahan ng pamasahe sa taxi na may logo ng Department of Tourism at NAIA ang iniabot ng driver sa mga pasahero.

Batay sa fare matrix ng nasbaing driver, ang pamasahe sa Terminal 3 ay nagkakahalaga ng mahigit P13,000 kada pasahero habang ang pinakamurang pamasahe sa mga papunta sa mga hotel at bus terminal sa Metro Manila ay P10,000 kada pasahero.

Iniimbestigahan na ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang video. Gayunpaman, sinabi ng ahensya na wala itong impormasyon sa pagkakakilanlan ng driver at plate number ng taxi.

Sa pamamagitan ng tagapagsalita ng LTFRB na si Celine Pialago-Vargas, nanawagan sila sa uploader ng video na bigyan sila ng detalye upang masimulan nila ang imbestigasyon at mababaan ng show cause order ang nasabing driver sa kaso ng overcharging.

Ayon sa orihinal na post, ang guwardiya sa NAIA ang naghatid ng mga Taiwanese na pasahero sa taxi driver dahil walang shuttle bus sa lugar.

Ikinulong pa umano ng cabbie ang mga pasahero sa taxi hanggang sa magbayad sila ng P10,000 kada tao, na ibinaba naman sa P5,000 kada pasahero pagkatapos nilang makipagtawaran.

Samantala, nagbabala rin ang LTFRB na maaaring masuspinde ang nasabing driver kapag napatunayang nag-overcharge ito sa mga pasahero. JAY Reyes

Previous articleSiyam na ‘Manlilikha ng Bayan for 2023’ idineklara ni PBBM
Next article9 arestado, ₱1.2M na-scam sa rice suppliers