Manila, Philippines- Walang dudang matagumpay ang 20th anniversary concert ni Sarah Geronimo nitong May 12.
Pero ang hindi alam ng publiko, sa likod ng resounding success na ‘yon ay nababalot ito ng intriga sa pagitan ni Sarah at ni Teacher Georcelle, choreographer ng G Force dance group.
Hindi na kasi bahagi ang grupo ng naturang pagtatanghal.
Tinapos na kasi ng kampo ni Sarah ang 16 taon nilang pagsasama, bagay na masakit daw sa parte ng team ni Georcelle.
Sa text message na ipinadala nito kay Ogie Diaz, inihalintulad ni Georcelle ang kanilang falling out ni Sarah sa breakup ng magnobyo.
Nilinaw naman daw ni Sarah sa kanya na gusto niyang magkaroon ng artistic freedom sa pagnanais subukan ang ibang bagay.
Nauunawaan naman daw ito ni Georcelle, kaya nagdesisyon siyang bumaklas nitong Marso, two months before the concert.
Lumalabas ding iginigiit ng kampo ni Georcelle na bawal gamitin ang kanilang dance moves or else ay kailangang magbayad ang side ni Sarah ng halagang P150k kada choreography.
Itinanggi naman ni Georcelle na pinadalhan niya ng demand letter si Sarah ukol dito.
Although copyrighted daw ang mga dance moves ng G Force ay hindi naman daw nagamit o ginamit ang mga ito sa mismong concert, kaya wala raw dapat singilin mula sa kampo ni Sarah.
At the concert, wala mang partisipasyon ang G Force ay pinasalamatan pa rin ito ni Sarah.
Nag-I love you pa nga ang Royal Popster sa grupo.
Ang G Force ni Georcelle ang nasa likod ng dance moves ni Sarah sa upbeat song nitong Tala.
Sa susunod kayang malakihang pagtatanghal ni Sarah, may papel na kaya uli ang G Force?
If so, that will be “G” for Mrs. Geronimo and Georcelle…as in great! Ronnie Carrasco III