Home METRO Teenager binaunan ng bala sa ulo

Teenager binaunan ng bala sa ulo

MANILA, Philippines- Hinihinalang nakipagbarilan pa sa hindi pa kilalang salarin ang 18-anyos na teenager matapos matagpuang walang buhay sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.

May tama ng bala sa ulo na tumagos sa baba ang biktimang si John Rey Basie, alyas “Rey-Rey”, ng Blk, 47, Lot 36, Phase 1C Brgy. NBBS nang matagpuan ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 4, alas-4:45 ng madaling araw sa Pama Sawata Bridge, C-3 Road, Brgy. NBBS-Dagat-Dagatan.

Sa ulat na isinumite ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Rizalito Gapas, itinawag sa pulisya ng babaeng kaanak ng biktima ang pagkakadiskubre niya sa bangkay ng pinsan habang tumatawid siya sa lansangan patungo sa tulay ng Pama Sawata.

Hinala ng pulisya na posibleng nakipagpalitan pa ng putok ang biktima sa salarin dahil may nakuhang kalibre .38 revolver na wala ng bala sa chamber sa kanyang tabi habang isang basyo ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang nakuha rin ng mga tauhan ng NPD-Forensic Unit sa lugar.

Inaalam na rin ng pulisya kung may kinasangkutang krimen ang biktima matapos umugong ang usap-usapan sa naturang lugar na sangkot umano ito sa ilang serye ng pangho-holdap na nagaganap sa Brgy. NBBS at karatig na mga barangay.

Kabilang din sa aalamin ng pulisya kung ano ang kaugnayan ng biktima kay Reynaldo Bolivar alyas “Rey-Rey” na tinutugis ng pulisya matapos ituro bilang pangunahing suspek sa pagpatay sa 20-anyos na si Daniel Gaudia Soria noong Setyembre 2, 2023.

Si Bolivar ang tinutugis noon ng pulisya na suspek sa pamamaslang nang mapatay ng mga pulis si Jemboy Baltazar noong Agosto 2, matapos mapagkalaman na siya ang suspek na kanilang hinahanap. Boysan Buenaventura

Previous articleKagawad na tumatakbong kapitan, nahulihan ng droga
Next articleHijos del Nazareno, iaatras ang kaso kay Pura sa isang kundisyon!