MANILA, Philippines- Pinagbigyan ng mababang korte ang kahilingan ng dating prosecution witness sa kaso ni dating Senador Leila De Lima na mailipat sa New Bilibid Prison (NBP).
Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor) pinaboran ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 ang kahilingan ni dating police inspector Rodolfo Magleo na pansamantalang makulong sa minimum security compound ng NBP.
Si Magleo ay kabilang sa nga bilango na nailipat sa Sablayan Prison and Penal Farm sa Occidental Mindoro nitong Hulyo.
Magugunita na nagpahayag si Magleo ng interes na bawiin ang kanyang mga akusasyon laban kay De Lima.
Sinabi ng BuCor na bukod kay Magleo, ibinalik rin sa NBP si Nonito Arile, isa pang testigo ng prosekusyon na bumaligtad na rin sa kanyang testimonya.
Sa liham nina Magleo at Arile, binawi nila ang kanilang testimonya upang mapalaya na si De Lima.
Si De Lima ay anim na taon nang nakapiit sa Camp Crame dahil sa mga kaso ng illegal drugs. Teresa Tavares