MANILA, Philippines – Nanindigan si suspended Negros Oriental Rep Arnie Teves na hindi ito uuwi ng Pilipinas kahit idineklara na siya ng Anti Terrorism Council (ATC) na isang terorista.
Sa virtual press briefing, iginiit ni Teves na hindi ito babalik ng bansa hanggat walang katiyakan na ligtas ang kaniyang buhay.
“Kahit ano pa sabihin ng lahat, hindi ko puwede ipagpalit ang aking buhay. As I promised, pag naglakad na ang tao sa EDSA, I will be there. 1,000% I will be there. A promise is a promise.” ani Teves.
Minaliit din lamang ni Teves ang pagmamarka sa kaniya bilang isang terorista. Pabiro pa nitong sinabi na maari niyang idagdag sa kaniyang resume ang titulo na isang terorista.
Para kay Teves ginagamit lamang siya ng gobyerno upang malihis umano ang atensyon ng publiko sa mas mabibigat na isyus gaya ng korapsyon, POGO, mataas na presyo ng mga bilihin at iba pa.
Pinag-aaralan na aniya ng kanilang kampo ang lahat ng legal options gaya ng proseso ng pag-delist sa ilalim ng Internal Rules and Regulation ng Anti-Terror Law.
Hindi na rin ikinagulat ni Teves na idinamay din bilang terorista ang kaniyang kapatid na si dating Negros Oriental Gov. Pryde Henry Teves. Teresa Tavares