Home HOME BANNER STORY Teves ipinatapon na ng Timor-Leste sa Pinas

Teves ipinatapon na ng Timor-Leste sa Pinas

MANILA, Philippines – Ibabalik na ng Pilipinas si Congressman Arnolfo Teves Jr. para kaharapin ang patung-patong na kasong kriminal na nakasampa sa korte.

Kinumpirma ng Department of Justice (DOJ) na inaprubahan na ng Court of Appeals ng Timor-Leste ang extradition request ng Pilipinas laban kay Teves Jr.

Sinabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano na mismong ang Attorney-General ng Timor -Leste ang nagbigay ng impormasyon na nanalonang Pilipinas sa kahilingan na ma-extradite ang dating mambabatas.

“We look forward to the arrival of Mr. Teves so that he may finally face the charges against him in our local courts,” ani Clavano.

Si Teves ay nahaharap sa 10 bilang ng kasong murder, 12 bilang ng kasong frustrated murder at apat na bilang ng attempted murder sa Manila Regional Trial Court Branch 51.

Kaugnay ito sa insidente ng pamamaslang kay Gov Degamo at 11 iba pa noong March 4, 2023 sa Pamplona, Negros Oriental.

Lubos naman ang kagalakan ng biyuda ni Degamo na si Pamplona Mayor Janice Degamo matapos mabatid na ibabalik na sa bansa si Teves.

Si Teves at ang kapatid nito na si dating Negros Oriental governor Pryde Henry Teves ay binansagan na mga terorista ng Anti Terrorism Council bunsod ng mga insidente ng pagpaslang at harassment sa naturang probinsya sa mga nakalipas na taon. Teresa Tavares