MANILA, Philippines – Iginiit ni suspended lawmaker Arnolfo “Arnie” Teves, Jr. ng Negros Oriental na walang “grounds” o rason ang Kamara para patalsikin siya bilang miyembro nito, bagama’t aminado na posible ngang mangyari ito.
Sa ngayon ay suspendido pa rin si Teves dahil sa patuloy niyang pagliban sa mga pagdinig sa Kongreso.
“Walang rason para ako ay ma-expel, pero puwede nila gawin iyan through a vote, madali i-pressure mga kasama ko sa House, ‘pag ‘di ka sumunod, yari ka,” sinabi ni Teves sa isang press conference.
Maliban sa suspensyon, nahaharap din ang mambabatas sa kasong murder na may kaugnayan sa pagkamatay ni Negros Oriental governor Roel Degamo noong Marso 4.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin umuuwi ng Pilipinas si Teves dahil sa banta umano sa kanyang buhay.
“Why did you suspend me? And twice at that? You are forcing me to go home when there is no case against me,” giit ni Teves.
“May kasalanan ba ako sa barangay? May kasalanan ba ako sa Kongreso? Anong mahirap intindihin sa serious threats to life?,” dagdag pa niya.
Ayon sa Kamara, ang suspensyon kay Teves ay dahil sa patuloy nitong pagliban sa kabila ng expired na travel authority mula kay Speaker Martin Romualdez ng Leyte, “constitute violation of code of conduct and disorderly behavior warranting disciplinary action.”
Maliban sa suspensyon, inalis din ng Kamara ang lahat ng karapatan at prebilehiyo nito bilang miyembro ng Kamara.
Wala pang tugon si House Speaker Martin Romualdez at House ethics and privileges panel chair COOP-NATCCO party-list Representative Felimon Espares sa pahayag ni Teves. RNT/JGC