MANILA, Philippines – Hindi nakikita ng isang local think tank na maaabot ng bansa ang target ng pamahalaan na 6% o 7% na economic growth ngayong taon.
“We think it’s impossible for the government to achieve its targeted growth rates,” pagbabahagi ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, sa isang forum.
“Tingin namin hindi lalagpas ng 5 to 5.5 percent ang economic growth,” pagpapatuloy niya.
Ayon kay Africa, bagama’t itinuturing ang Pilipinas bilang isa sa fastest-growing economies sa Asya, nahaharap naman ang bansa sa mataas na inflation, unemployment at kahirapan.
“Palaging pinagmamalaki yung growth performance ng Pilipinas as if ito yung pinaka-headline na palatandaan na umuunlad ang bansa…,” aniya.
“Kung hindi nararamdaman ng ordinaryong Pilipino, kung naiiwan ang mayorya at dumadami ang bilang ng mga mahirap, dumadami bilang ng mga walang trabaho, dumadami ang kita sa pang araw-araw na gastusin, para sa amin walang kabuluhan yung economic growth na yun,” dagdag pa ni Africa.
Dapat umanong maabot ng ekonomiya ng bansa ang 6.6% growth sa ikalawang bahagi ng taon para makaabot man lamang sa pinakamababang target ng administrasyon.
Ayon naman sa ekonomistang si Michael Ricafort, ang pag-abot sa nasabing bilang ay posible pa rin naman.
Ani Ricafort, inaasahan ang pagtaas sa produksyon, consumer spending at iba pang economic activities sa huling bahagi ng taon.
“If you’ll look at business and economic activities, there’s this seasonal pickup in the third quarter, seasonal increase in importation, in manufacturing, and overall production—all in preparation for the seasonal peak in demand and sales in the fourth quarter during the Christmas season,” pahayag ni Ricafort, chief economist sa Rizal Commercial Banking Corporation.
Ngayong linggo lamang, sinabi ni National Economic and Development Authority Secretary Arsenio Balisacan na nananatiling kumpiyansa ang pamahalaan sa growth target nito. RNT/JGC