Home OPINION TIGILAN, PANG-AABUSO SA BATA 

TIGILAN, PANG-AABUSO SA BATA 

SA isang matapang na deklarasyon, nais ng Department of Social Welfare and Development na tapusin na ang pagkukubli sa dilim nang pang-aabuso sa bata. Upang matuldukan ang matagal nang pananahimik, binigyang-diin nito ang importanteng tungkulin ng Makabata Hotline 1383.

Itinatag ng Council for the Welfare of Children , ang hotline ay armado ng kapangyarihang tuldukan ang katahimikan. May paglalarawan ang tagapagsalita ng DSWD na si Romel Lopez: “Isang hotline na hindi lamang mga numero, kundi lifeline para sa mabilisang pag-aksiyon.”

Isa itong lugar kung saan may kasagutan ang mga pag-uusisang ligal, may boses ang suportang emosyonal, at nakasusumpong ng tagapagtanggol ang mga karapatang pambata.

Hindi lamang ito isang hotline; isa itong sentinel. Dahil sa estratehiyong alyansa ng CWC, ng non-governmental allies, at ng mga ahensiya ng gobyerno, ito ay naging isang nakatatakot na armas laban sa mga pang-aabuso na ginagawa sa gitna ng dilim.

Ingat sa shellfish

Sa kabila ng payapang kagandahan ng karagatan ng Panay Island, may hindi nakikitang panganib na nangangailangan ng ating atensiyon at pag-iingat sa ngayon: red tide!

Seryosong bagay na ito kasunod nang biglaang pagkamatay ng isang batang lalaki matapos kumain ng tahong.

Ang trahedyang ito ay isang nakakatakot na paalala tungkol sa nakababahalang banta ng red tide. Ang pagbubunyag na naapektuhan na ng natural phenomenon na ito ang 10 lugar sa Panay Island ay nagbubunsod ng mahahalagang katanungan. Bakit kailangan pang magbuwis ng buhay ang isang bata bago aksyunan ng mga kinauukulan ang problema?

Dapat na kumilos ang pamahalaang lokal at ang mga kinauukulang awtoridad, hindi lamang bilang pag-aksyon sa mga paabiso kundi bilang proactive guardians ng pampublikong kaligtasan.

Para naman sa publiko, mga residente man o dumadayo sa mga dalampasigang ito, pakinggan natin ang panawagan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na huwag munang kumain ng shellfish.

Buong pagkakaisa nating igiit ang transparency, agarang pag-aksiyon, at seryosong pagsisikap upang maiwasang may mapahamak. Nakasalalay dito ang kaligtasan ng maraming buhay.

*              *              *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articlePlano ng DTI sa pagpapahusay sa PH food distribution, aprub kay PBBM
Next article DISKARTENG TSEKWA