Home NATIONWIDE Tindig ng Senado sa Cha-cha: Economic provisions lang, walang politikal

Tindig ng Senado sa Cha-cha: Economic provisions lang, walang politikal

MANILA, Philippines – Nagkaisa ang ilang senador na limitahan sa economic provisions ang pag-aamyenda sa 1987 Constitution at hindi gagalawin ang anumang probisyong pulitikal na magpapalawig sa termino ang sinumang halal na opisyal ng bansa.

Layunin ng Resolution of Both Houses No. 6, na amendahan ang economic provision ng 1987 Constitution sa liberalisasyon ng public services, educational institutions at advertising industries.

“Liberalizing the three sectors will allow foreign corporations or individuals to enter the country and bring more opportunities,” paliwanag ni Senator Sonny Angara, na mangunguna sa binuong subcommittee na tatalakay sa panukalang amendments.

Muling inulit ni Angara sa interview sa radyo na hindi nila papayagan na galawin ang political provisions.

Nitong Lunes, personal na inihain ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang Resolution of Both Houses No. 6, na nilagdaan ni Senate Pro Tempore Loren Legarda at Angara.

Layunin nitong amyendahan ang Articles XII, XIV and XVI ng 1987 Constitution matapos ikonsulta kay President Ferdinand R. Marcos Jr.

“Tingin ko mas maganda ang tsansa ngayon dahil maaga pa sa termino ng ating Pangulo. Dahil kadalasan kapag nasa second half na ay ayaw na ng publiko sasabihin pampahaba lang ng termino. Eh ngayon na maaga pa klaro na ang usapin ay economic provision lang ng Saligang Batas at di ang usapin ng sistema ng gobyerno o termino,” ayon kay Angara.

Aniya, magsisimula ang diskusyon sa naturang resolusyon sa pagbubukas ng sesyon sa Enero 22 kasama ang ilang eksperto sa ekonomiya at kinatawan ng mga kinauukulang industriya.

Nakapailalim ang subcommittee ni Angara sa Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, na pinamumunuan ni Senador Robin Padilla.

Naunang sinuportahan ni Senador Sherwin Gatchalian ang panukalang resoluson na magagamit ang kabuuang potensiyal ng ekonomiya ng bansa.

Aniya, kahit lumago ang ekonomiya ng bansa, nananatiling limitado ang dayuhang pamuhunan dulot ng pagbabawal sa dayuhan na maglagak o magmay-ari ng operasyon ng public utilities, educational institutions, mass media, at advertising.

“In certain industries, there are restrictions for foreign ownership. Currently, in the case of operation of public utilities, only up to 40 percent foreign ownership is allowed while for educational institutions, even partial foreign ownership is prohibited,” aniya sa pahayag. Ernie Reyes

Previous articlePBBM bumati Taiwan president-elect, PH ambassador ipinatawag ng China
Next article4 patay sa hot air balloon crash sa Arizona