
MAGING aral sana para sa lahat ng kompanya ang nangyaring implosion sa Titan submersible vessel na ikinasawi ng limang katao kabilang ang may-ari ng kompanyang Ocean Gate na pasimuno ng expedition sa RMS Titanic wreckage sa Atlantic Ocean noong June 18, 2023.
Lulan ng submersible sina American businessman and Engineer at OceanGate CEO Stockton Rush, Paul-Henry Nargeolet-French deep sea explorer at Titanic expert; British billionaire George Hamish Livingston Harding, at mag-amang Pakistani-British billionaire Shazada and Suleman Dawood.
Nawalan ng komunikasyon ang Titan matapos ang halos dalawang oras nitong pag-dive at mas naalerto ang mga awtoridad nang hindi na ito nakabalik sa naghihintay na 0M/V Polar Prince na support vessel ng Titan sa takdang oras.
Nadetect ng United States Navy sonar monitoring patrol ang implosion kaya madaling nadiskubre ang ilang piraso ng Titan at human remains na kalahating kilometro ang layo mula sa nguso nang lumubog na RMS Titanic. Ang mga ebidensiyang ito ang naging basehan para magdeklara ang United States Coast Guard na “presumed dead” ang limang pasahero ng Titan.
Hindi sa paninisi, pero masasabi nating may kapabayaan ang kompanyang OceanGate sa ekspedisyong ito. Dati na palang nagkaroon ng aberya ang Titan tulad na lamang nang pagkasira ng battery nito sa nakaraang expedisyon noong 2022. Maganda ang mga feature ng vessel dahil idinisenyo ito ni Stockton Rush na naaayon sa kanyang ideya at innovation. Pero ang tanong dear readers, isinaalang-alang kaya ng pamunuan ng OceanGate ang safety sa bawat component ng Titan?
Noong 2018, naglabas ng documentary report ang dating OceanGate marine operation director na si David Lochridge at sinasabi rito na dapat ipasuri at ipa-certify ang Titan sa mga ahensiyang nagpapatupad ng safety standards. Subalit hindi ito inaprubahan ng kaniyang mga kasama dahil sa malaking gastos at abala. Natanggal si Lochridge at nakasuhan pa siya ng OceanGate dahil sa pagsisiwalat niya ng mga problema ng Titan tulad na lamang nang hindi pagsasagawa ng non-destructive testing o NDT sa vessel’s hull.
Kung titingnan at susuriing mabuti ang mga senaryo, experimental ang mga naging ekspedisyon ng Titan at wala itong kakayanan at kasiguraduhang proteksiyunan ang mga pasahero sa kailaliman ng karagatan na may malakas na pressure at iba pang panganib.
Ito ang sinasabi nating kahalagahan nang pagsunod sa safety standards. Kung mag-eeksperimento, huwag naman sanang ikompromiso ang kaligtasan ng bawat tao. Sana hindi mapunta sa wala ang buhay ng mga nasakripisyo para sa ating pagkatuto at kaligtasan.