Home HOME BANNER STORY Tolentino: Iconic design ng jeep, ‘wag alisin sa modernisasyon

Tolentino: Iconic design ng jeep, ‘wag alisin sa modernisasyon

Mariing iginiit ni Senador Francis “Tol” Tolentino na huwag dapat alisin ang iconic na disenyo ng jeepney sa Public Utility Vehicle (PUV) modernization upang mapanatili ang kasaysayan at kultura ng bansa na may kaugnayan sa nasabing staple transportation mode.

“Wala kayong ine-endorse na design pero kung mage-endorse kayo iyong traditional, iconic jeepney na para maging bahagi ng ating kasaysayan, kultura, at tradisyon,” sabi ni Tolentino kay Andy Ortega, Department of Transportation’s (DOTr) chairman ng Transportation Cooperatives sa kanyang regular na programa sa radyo DZRH.

“Lahat ito ay bahagi na ng kasaysayan then all of a sudden papalitan natin ng flat nose, kwadrado na parang refrigerator na may gulong,” idinagdag ni Tolentino.

Sinabi ni Ortega na mas nakatutok ang ahensya sa pagpapanatili ng mga pamantayan sa kaligtasan at environment-friendly na mga modernisadong sasakyan.

Gayunpaman, tiniyak ng opisyal ng DOTr kay Sen. Tol na isinama na nila ang kanilang paghikayat sa mga kooperatiba na pumili ng mga modernong jeepney na may iconic na disenyong Filipino.

“We are confident that the better-looking, ika nga iyong “iconic design” will now be in our street,” ayon kay Ortega.

Samantala, hinimok ni Tolentino si Ortega na makipag-usap sa mga lider na tumututol sa modernisasyon ng PUV lalo na sa mahigit 30,000 public utility jeepney na maaapektuhan sa nalalapit na pagsisimula ng Pebrero 1.

“Pakiusap na lang, bago dumating ang February 1, pwede kayang iyong mga leader ng mga nago-oppose isang upuan lang, magkape kayo, para bago magkaroon ng implementation ng February 1 para talagang maipaliwanag ang inyong posisyon,” giit ni Sen. Tol.

Sumagot si Ortega na bukas ang DOTr para sa naturang pag-uusap at naging maagap sa information drive para sa mga driver at operator bago pa man ang deadline ng consolidation noong Disyembre 31, 2023. RNT

Previous article85% ng Pinoy, ayaw sa POGO – sarbey
Next articleDMW, DFA kinalampag sa benepisyo ng OFWs nawalan ng trabaho sa New Zealand