Home NATIONWIDE Tolentino: Unibersidad, gobyerno, industriya magtulungan sa pag-unlad ng agrikultura

Tolentino: Unibersidad, gobyerno, industriya magtulungan sa pag-unlad ng agrikultura

MANILA, Philippines- Isinasantabi ang lumang paradigm ng kaunlaran sa pamamagitan ng Private-Public Partnership (PPP), nais ni Sen. Francis “Tol” Tolentino na ang pag-unlad ay kasangkutan ng mga unibersidad, gobyerno, at industriya upang mapaunlad ang agrikultura sa bansa.

Sinabi ni Tolentino na ang diskarte sa pagsasama ng tatlong institusyon na tinatawag na triple helix aniya ay epektibong gumagana sa pag-unlad ng agrikultura sa Netherlands at Germany. Ito ay kalakaran na maaaring magkonekta sa bagong henerasyon sa industriya ng agrikultura.

Sa kasalukuyan, nasa 55 hanggang 59 taong gulang ang karaniwang edad ng mga Pilipinong magsasaka — nagpapakita ng kawalang partisipasyon ng mga nakababatang henerasyon sa produksyon ng agrikultura sa bansa.

Sinabi ni Tolentino na ang direktang pakikilahok ng mga unibersidad sa mga kursong pangisdaan at agrikultura ay maaaring magpataas ng partisipasyon ng kabataan sa pagpapaunlad ng agrikultura at pangisdaan tulad ng pagsusuri sa lupa at kaugnay na pananaliksik.

Ani Tolentino, ang mga mag-aaral mula sa mga unibersidad ay maaaring magsagawa ng pagsusuri sa lupa, halimbawa ang paglalapat ng mga inobasyon na maaaring magbigay-daan upang isara ang puwang sa pagkuha ng mga karera sa agrikultura at pangisdaan.

Sinabi ni Tolentino na ang aplikasyon ay dapat case-to-case basis, tulad sa Central Luzon, kung saan nangingibabaw ang agrikultura, o pangisdaan sa mga lugar tulad ng Aklan at Zamboanga Peninsula.

Inamin ni Agriculture Undersecretary for Planning Asis Perez na iniiwasan ng nakababatang henerasyon ang produksyon ng agrikultura dahil sa mababang kita at pagtaas ng insidente ng kahirapan sa sektor at pagkakaroon ng mga opsyon tulad ng trabaho sa mga pabrika at trabaho sa ibang bansa.

Sinabi ni Perez na nagbago na ang panahon, kung saan dati, ang isang pamilya na may dalawang ektaryang lupang pang-agrikultura ay maaaring mamuhay nang disente pero nawala at nauwi ang pagsasaka sa hindi kapaki-pakinabang.

Aniya, ang thrust ng agriculture department ay ang tinatawag na value chain approach, na hindi lamang nakatutok sa pagtaas ng produksyon kundi maging sa mga kita sa lahat ng yugto ng value chain.

Ibig sabihin ani Perez, mas maganda ang presyo ng mga produktong sakahan para sa mga magsasaka at makatwirang presyo para sa mga mamimili

Aniya, ang value chain approach ay nakatuon sa mga producer at sa interes ng lahat ng aktor, kabilang ang mga processor, mangangalakal, at iba pang aktor sa industriya ng agrikultura. RNT

Previous articleNPA todas sa engkwentro sa militar
Next articleFire victims sa GenSan at Norala, S. Cotabato tinulungan ni Bong Go