Home METRO Top 1 most wanted person sa kasong rape sa Malabon, isinelda

Top 1 most wanted person sa kasong rape sa Malabon, isinelda

MANILA, Philippines – Binitbit sa selda ang isang 57-anyos na lalaki na nakatala bilang Top 1 most wanted sa kasong panggagahasa matapos masakote sa isinagawang manhunt operation sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan ang naarestong akusado bilang si Joseph Layno alyas Pipop ng Block 4, Kadima Letre, Barangay Tonsuya.

Sa ulat ni Col. Tangonan kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen Rizalito Gapas, nagsagawa ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Malabon police sa pangunguna ni PCMS Edwin Castillo, kasama ang 4th MFC RMFB NCRPO ng joint manhunt operation kontra most wanted persons na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado dakong alas-2:00 ng hapon sa kanyang bahay.

Ani PCMS Castillo, ang akusado ay inaresto nila sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Malabon City Regional Trial Court Branch 73, Presiding Judge Catherine Therese M. Tagle-Salvador noong July 19, 2023, para sa kasong Rape under Art. 266-A of the RPC as Amended by R.A 8353 and R.A. 11648 (2 counts) at paglabag sa Sec. 10(A) of R.A 7610.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Malabon police habang hinihintay ang commitment order ng korte. Boysan Buenaventura