MANILA, Philippines – Rehas na bakal ang hinihimas ngayon ng isang 41-anyos na lalake na tinaguriang Top-1 Most Wanted Person sa Cuyapo, Nueva Ecija.
Kinilala ni P/Lt. Col. Erwin V. Ferry, hepe ng Cuyapo police station, ang arestadong suspek na si Froilan Abellar y Foyfoy, may asawa, residente ng Barangay Burgos, Cuyapo, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Ferry kay Nueva Ecija director, P/Col. Richard Caballero, ganap na 7:30 ng umaga, kahapon, Pebrero 1 nang magsanib pwersa ang intelligence at warrant personnel ng Cuyapo municipal police station ng Nueva Ecija Police Provincial Office (MPS-NEPPO) (lead unit); Provincial Intelligence Unit ng NEPPO (PIU-NEPPO); Warrant PNCO ng 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC), Nueva Ecija PPO at ikinasa ang isang operasyon sa nasabing barangay.
Hindi na nagawa pang pumalag ng suspek matapos na ihain dito ang
warrant of arrest para sa reklamong rape sa ilalim ng Article 266-A (1a) in relation to Article 266- B ng Revised Penal Code (RPC) na inilabas ng korte sa Regional Trial Court (RTC) Branch 31, Guimba, Nueva Ecija na pinetsahan noong Disyembre 20, 2022 at walang piyansa.
Napag-alaman din na ang suspek ay nakatala sa nabanggit na pulisya bilang Top 1 Most Wanted Person, Municipal Level sa Cuyapo, Nueva Ecija.
Pansamantala ang suspek ay nasa pangangalaga ng nabatid na himpilan ng pulisya. Elsa Navallo