Home METRO Top 2 most wanted person ng Malabon, timbog

Top 2 most wanted person ng Malabon, timbog

NADAKIP ng pulisya ang isang manyakis na tricycle driver na nahaharap sa kasong panggagahasa matapos matunton ang lugar na kanyang kinaroroonan sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon Police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong akusado na si alyas Boylin Pasco, 34, ng Brgy. Dampalit na itinuturin na No. 2 Most Wanted Person sa Lungsod ng Malabon.

Base sa report ni Col. Baybayan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) na sa Brgy. Potrero namamasada ng tricycle ang akusado.

Agad na bumuo ng team ang WSS sa pangunguna ni P/CMSgt. Edwin Castillo saka nagsagawa ng manhunt operation kontra wanted persons kasabay ng Simultaneous Anti-Criminality and Law Enforcement Operation (SACLEO) na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa kahabaan ng Atis Road dakong alas-10:35 ng gabi.

Hindi na pumalag ang akusado nang naisilbi sa kanya ng pulisya ang warrant of arrest na inilabas ni Malabon Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Rhoda Magdalene L. Mapile-Osinada ng Branch 289 na may petsang Enero 05, 2024 para sa kasong paglabag sa R.A. 8353 o ang Anti-Rape Law na kanyang kinakaharap.

Ayon kay Col. Baybayan, pansamantalang nakapiit sa custodial facility ng Malabon Police si Boylin habang hinihintay ang kautusan ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Malabon City Jail. (R.A Marquez)

Previous articleKilalanin si Elisia Parmisano at ang kanyang Universe Ticket journey!
Next articleDurugista timbog sa Valenzuela buy bust