MANILA, Philippines – Hindi sinang-ayunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panukalang magpatupad ng total ban sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy sa Kuwait dahil sa pagpapatupad ng nasabing bansa sa suspensyon ng pagbibigay ng visa sa mga bagong OFW.
Ani Marcos, tila “overreaction” ito sa naturang hakbang.
Aniya, hindi siya komportable sa desisyong tuluyang ihinto ang deployment ng overseas Filipino workers sa Kuwait.
“I don’t want to burn any bridges na sasabihin na baka in the future, baka in a little while, a few months from now, a year from now, sasabihin magbago ang sitwasyon, eh baka pwede pa tayong magpadala ulit ng ating mga workers sa Kuwait,” sinabi ng Pangulo.
“Kaya, I don’t know, yung sometimes overreaction yung iba, basta’t ban lang tayo ng ban, hindi naman tama,” dagdag pa ni Marcos.
Matatandaan na ngayong buwan ay nagpatupad ang pamahalaan ng Kuwait ng entry ban sa mga Filipino na walang residence permit dahil umano sa hindi pagtalima ng bansa sa napagkasunduan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) posibleng ito ay dahil sa pagbuo ng mga resource center ng Pilipinas sa nasabing bansa.
Bilang tugon sa hakbang ng Kuwait, ipinanukala ng isang mambabatas ang total deployment ban ng Filipino workers sa Kuwait.
“Hindi kami (Kuwait) nagkakasundo dahil sinasabi nila may paglalabag daw tayo sa kanilang mga rules, wala naman kaming nakikita, kaya’t yan ang naging situation,” sinabi ni Marcos.
“I think the proper reaction is to take the decision of the Kuwaiti government to no longer issue new visas… It’s their country, those are their rules, so we will just leave that issue open and hopefully we will continue to negotiate with them,” pagpapatuloy niya.
“We will continue to consult with them at baka sakali down the road magbago ang sitwasyon, maibalik ngayon ang ating mga workers, lalo na yung mga nabitin… So hopefully down the road we will continue to work to improve that situation,” aniya.
Sa ngayon ay nasa 800 Filipino workers na ang apektado ng entry ban. RNT/JGC