Home METRO Totoy naanod sa creek, patay!

Totoy naanod sa creek, patay!

Natagpuan na ang bangkay ng 8-anyos na lalaki na nawala matapos mahulog sa Pag-asa Creek, dakong alas-8 ng umaga sa Saog Bridge sa Marilao, Bulacan. Nangako naman si Caloocan Mayor Along Malapitan ng burial assistance sa naulilang pamilya.

MANILA, Philippines- Bangkay na nang matagpuan ang isang 8-anyos na  lalaki matapos itong mahulog sa creek at tangayin ng malakas na agos ng tubig sa kasagsagan ng ulan kahapon sa Pag-asa Creek, napaulat sa Caloocan City.

Ayon kina alyas Luis, 10, at alyas Amar, 13, mga kalaro ng biktimang si alyas Jacob, 8, residente ng Bagong Silang, Caloocan City, nasaksihan nila ang pagkahulog sa creek ng kanilang kalaro hanggang sa tuluyan itong tangayin ng agos.

Dahil dito, ipinabatid ng mga bata ang insidente sa pamilya ng biktima.

Kumilos naman kaagad ang pulisya ng Caloocan at ang Caloocan Disaster Risk Reduction And Management Department (CDRRMD) upang hanapin ang bata subalit hanggang sa sumapit ang gabi ay bigo silang mahanap ito.

Batay sa report, alas-2:10 ng hapon, masayang naliligo ang magkakalaro sa gitna ng malakas na buhos ng ulan ngunit sa kasamaang palad ay nadulas ang biktima habang itinutulak nila ang pulang barrier at tuluyang mahulog sa creek at tangayin ng agos.

Iniutos naman ng lokal na pamahalaan ang magdamag na paghahanap sa nawawalang bata at bunga nito, nagtatag ng Command Center ng CDRRMD at City Social Welfare and Development Department (CSWDD) upang ma-monitor ng pamilya ng bata ang resulta ng paghahanap.

Alas-8  knaumagahan ng Martes nang matagpuan ang katawan ng biktima sa Saog Bridge sa Marilao, Bulacan.

Ayon pa sa lokal na pamahalaan, handa silang tumulong sa mga gastusin sa burol at pagpapalibing sa batang biktima.

Nagpaalala rin ang alkalde sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak sa paglalaro sa mapanganib na lugar lalo kapag malakas ang buhos ng ulan. Merly Duero