TODAS ang isang menor-de-edad na lalaki nang makipagsaksakan sa 21-anyos na binata makaraan ang mainitang pagtatalo sa isang birthday party sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot ng buhay sa Navotas City Hospital ang menor-de-edad na biktima sanhi ng mga tinamong tama ng saksak sa katawan habang nadakip naman ng mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang suspek na si alyas “Jerome” residente ng Leongson St. Brgy. San Roque nang matunton sa pinagdalhang pagamutan kung saan siya dinala ng kaanak matapos magtamo rin ng saksak sa kanang bahagi ng katawan malapit sa kili-kili.
Sa ulat ni Col. Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagtungo sa isang birthday party ang dalawa dakong alas-9 ng gabi sa may Tulay Uno, Daang Hari St. Brgy. Daang Hari upang makisaya nang magkaroon sila ng mainitang pagtatalo.
Sa gitna ng pagtatalo, bumunot ng patalim ang suspek at inundayan ng sunod-sunod na saksak ang binatilyo na naglabas din ng patalim saka gumanti ng saksak sa kaaway.
Matapos nito, isinugod ang biktima sa nasabing pagamutan subalit, idineklarang dead on arrival habang natunton naman ng mga tauhan ng Navotas Police Sub-Station 2 sa pangunguna ni P/EMS Guiama Ibrahim ang suspek sa Tondo Medical Center dakong alas-12:10 ng madaling araw kung saan siya inaresto. (Boysan Buenaventura)