Home OPINION TRAHEDYA SA KAMARA

TRAHEDYA SA KAMARA

172
0

NAPANOOD n’yo ba ‘yung zarzuela?   Sa millennials at GenZ, baka pala hindi nila alam ang ibig sabihin ng salitang “zarzuela”.   Parang teatro ito, na magkasama ang
kantahan at dayalogo.   Parang musical sa modernong panahon natin.

Komedya ang karaniwang laman ng mga zarzuela at minsan ay may elemento ng tudyo o panunuya o “satire”.  Galing sa salitang Espanol, kamag-anak ito ng bodabil na pangunahing paraan ng entertainment sa entabaldo, lalo noong wala pang pelikula o
sinehan, tv o radyo.

Noong panahon ng diktadurang Marcos sa ilalim ng Martial Law, “sarswela” ang tawag sa mga ginagawa ng gobyerno para lokohin ang bayan. Nakatatawa pero nakasusuya rin.

Hindi nakatutuwa ‘yun sarswelang nangyari sa Kongreso, noong dininig ang panukalang budget ng Office of the Vice-President.   Ilang segundo pa lang kasi pagkatapos nang presentation ni VP Sara Duterte, sumingit agad ng mosyon si Rep.
Sandro Marcos na itigil na ang pandinig at aprubahan na agad ang panukalang budget.

Tradisyon na raw kasi halaw sa “parliamentary courtesy” na mabilis ma-aprub ang budget ng mga opisina ng Presidente at Bise-Presidente.

Kahit na nga umalma ang oposisyon, hindi na rin sila nakaporma, itinigil na ang pagdinig at pinatayan pa ng mikropono.

Bakit naman ganoon?

Dapat sana ay binusisi at nagpaliwanag ang OVP sa ilang mga mahahalagang isyu.  Mabibigat ang mga tanong na iniwan sa ere.   At malaki ang pagdududa na namumuo ngayon sa maraming Pilipino.

Totoo ba na gumastos ang OVP ng confidential funds noong 2022?  Pero paano s’ya gumastos nito, eh wala naman naaprub na confidential funds ang opisina noong nakaraang taon? Totoo din ba ang komputasyon ng oposisyon na 125 milyong piso sa
loob ng 19 araw noong Dec. 13-31, 2022 ang nagastos.   Halos 7 milyong piso araw- araw?

Kailangan masagot ang mga katanungan at paratang na ito.
Liumalabas pa na hindi raw handa si   Rep. France Castro ng ACT partylist,  na para raw titser na hindi naghanda sa kaniyang  pagtuturo.

Pero kayo na ang maghusga kung sino talaga ang hindi naghanda sa kanyang pagpunta sa budget hearing sa Kongreso noong isang linggo.

Previous articlePAANO NAMAN ANG MGA MAGSASAKA?
Next articleLIBRENG KOLEHIYO SA LAHAT IPAGLABAN

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here