
NAG-IIMBESTIGA na ang mga awtoridad ng India ukol sa banggaan ng dalawang tren na ikinadamay ng ikatlo sa lugar ng banggaan.
Isa sa mga natagpuang posibleng naging problema ang tinatawag na signal system.
Nasa train station building umano ang electronic interlocking system na hawak ng station manager o ng assistant station manager.
Pinu-push botton lang umano ito at gumagana na ang lahat para sa stop-go, babala sa lahat ng dumarating, humihinto at umaalis na tren.
Nakapagtataka umanong hindi gumagana ang nasabing signal system nang maganap ang banggaan.
Ito’y kahit pinakamaganda at pinakabagong sistema ang mga nakakakabit doon.
Dahil sa pangyayari, maaari umanong may taong nakialam sa sistema.
Kaya naman, posible umanong may halong maniobra sa nasabing sistema.
PAANO NANGYARI?
Sa Bahanaga Bazar station na lugar ng aksidente, kapag hindi hihinto ang tren, pwede itong tumakbo sa bilis na 130 kilometro kada oras at ang unang naaksidenteng tren ay tumatakbo ng nasa 128KM/H.
Makaraang maaksidente, nadamay ang isang tren na nakahinto. Nang dumating ang ikatlong tren na pasalubong sa naunang naaksidente, nabangga nito ang mga bagon ng una kaya nadiskaril na rin ito.
Magtataka ka nga na wala man lang abiso o signal na nasagap ng ikatlong tren at sumalpok na walang kaalam-alam sa nauna nang disgrasya.
Pwede naman kasing hihinto ang isang tren bago ang lugar ng aksidente at saka lang pinapayagan ito na muling tatakbo kung ligtas na ang lugar.
MALAGIM NA AKSIDENTE
Nasa 290 na ang patay at mahigit 1,000 ang sugatan. Mabuti na lang at walang sunog na naging dahilan upang makilala ang mga namatay at nasugatan.
At sa pagkakilala sa mga biktima, hindi na mahihirapan ang mga kamag-anak na humiling ng kinauukulang ayuda at danyos mula sa mga may-ari ng tren at gobyerno.
Maganda rin naman ang responde ng gobyerno, search and rescue groups at mamamayan sa pangyayari dahil natapos na kahit papaano ang search and rescue mula noong madaling araw ng Sabado.
SA PILIPINAS
Pinaka sa lahat ng naging problema ng Light Railway Transit sa Pilipinas ang pag-overshoot ng MRT 3 sa Pasay City nang lumagpas ito sa riles at umusli ang tren sa kalsada bago mag-pandemic.
Ang Philippine National Railways, nakasasagasa ng mga sasakyan at tao at nadidiskaril dahil sa mga depektibong riles nito.
Magandang bantayan lahat ng mga sistema sa ating mga tren na maaaring pagmulan ng mga banggaan, sa MRT, LRT at PNR man.
Sa kaso ng mga elevated o itinaas na mga riles gaya ng mga MRT at LRT na ngayo’y gumagana, dapat tiyakin na umaandar ang lahat ng sistema hindi lang laban sa banggaan kundi sa posibleng pagkalas ng mga ito sa riles at pagbagsak sa lupa na tiyak na malagim na pangyayari ang ibubunga.