Home NATIONWIDE Transport groups na pabor sa jeepney modernization, nais sumabak sa usapin sa...

Transport groups na pabor sa jeepney modernization, nais sumabak sa usapin sa SC

MANILA, Philippines – Nais mamagitan ng tatlong grupong pabor sa modernisasyon ng jeepney sa pagtalakay ng
Korte Suprema sa petisyon ng mga grupong kontra naman sa isinusulong na jeepney modernization program ng pamahalaan.

Naghain ng petition to intervene sina Roberto Ka Obet Martin ng Pasang Masda, Boy Vargas ng Altodap at Liga ng Transportasyon at Operator sa Pilipinas President Ka Lando Marquez upang hilingin sa Korte na tanggapin ang kanilang petisyon at ang mga kaakibat na dokumento na magpapatibay sa kanilang mga argumento.

Ayon sa grupo, nais nilang mabago ang sistema ng pampublikong sasakyan partikular ang jeepney dahil napag-iiwanan na ang Pilipinas.

Ayon kay Ka Obet Martin, 80 percent na ng kanilang mga kasapi sa buong bansa ay pumapabor sa jeepney modernization at pagsapi sa mga jeepney cooperatives.

Paliwanag pa ni Ka Obet, hindi dapat katigan ng Korte Suprema ang petisyon ng grupong PISTON at MANIBELA lalo na at matagal ng umuusad o noon pang Hunyo 17, 2017 nagsimula ang naturang programa ng gobyerno.

Sa ilalim aniya ng modernization program, sasapi sa kooperatiba ang mga jeepney operators at ang kooperatiba na lamang ang magha-hire ng mga tsuper na tatanggap ng arawang suweldo at may kumpletong benepisyo gaya ng SSS, Philhealth at insurance. Teresa Tavares

Previous articleImee ‘di nagtataka sa pagkakasangkot ni Speaker Romualdez sa ‘bribed initiatives’
Next articleICC investigators minomonitor ng PNP kung nasa Pinas na