Home NATIONWIDE Transport groups tuloy sa protest caravan vs PUV modernization

Transport groups tuloy sa protest caravan vs PUV modernization

MANILA, Philippines – Tuloy ang protest caravan ng dalawang transport group ngayong Martes, Enero 16, laban sa public utility vehicle (PUV) modernization program ng gobyerno.

Sinabi ni Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) national president Mody Floranda sa Unang Balita na magtitipon ang kanilang miyembro sa UP Diliman sa Quezon City bandang 9 a.m.

Alas-11 ng umaga, pupunta ang protest caravan sa Commonwealth Avenue, gagawa ng U-turn sa Philcoa, pupunta sa Quezon Avenue at titigil sa Welcome Rotonda.

Mula sa Welcome Rotonda, ang mga sasali sa kilos-protesta ay maglalakbay patungong Mendiola sa Maynila.

Nauna nang sinabi ng Samahang Manibela Mananakay sa Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) na ang protesta caravan ay hindi magiging katulad ng mga transport strike na isinagawa noong nakaraan.

Sinabi rin ni Floranda na ang protest caravan sa Martes ay lalahukan din ng iba pang sektor ng lipunan gaya ng mismong mga commuters.

“Batay sa huling pag-uusap ay halo-halo ‘yan. Hindi lang transport at kasama ‘yung iba pang sektor ng lipunan. Mga pasahero makikita sa transport caravan,” aniya pa.

Idinagdag ni Floranda na ang mga miyembro ng transport groups ay magsasagawa ng mga katulad na protest caravan sa Martes sa Bacolod at Iloilo.

“Hindi lamang sa National Capital Region magkakaroon ng caravan. Pati Bacolod at Iloilo, magkakaroon din sila ng caravan papunta sa Region 6 LTFRB (Land Transportation Franchising and Regulatory Board),” aniya pa.

Sinabi ng PISTON head na hinihintay pa nila ang desisyon ng Korte Suprema hinggil sa kanilang petisyon para sa pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) para ihinto ang pagpapatupad ng ipinataw na deadline ng gobyerno na Disyembre 31 para sa konsolidasyon bilang bahagi ng PUV modernization program .

“Sa bahagi natin ay patuloy tayong nag-aantabay sa magiging desisyon ng Korte Suprema doon sa hinihingi nating TRO na finile natin noong Dec. 20 at 28,” dagdag pa ni Floranda.

“Tayo ay umaasa pa rin na baguhin pa rin ni BBM ang kanyang posisyon dahil hindi alam ang mga driver at operator ang matatamaan nitong Feb. 1 kundi mismo ‘yung ating mga mananakay mahihirapan na pumasok sa kanilang trabaho at pumunta sa kanilang mga paroroonan,” aniya pa.

“Kaya sana makita ng gobyerno ang kahalagahan ng serbisyo ng public transport.” RNT

Previous articleVoucher program sa Gr. 11 students sa SUCs palalawigin ng DepEd
Next articleRandom check sa mga dyip kasado sa Pebrero