Home HOME BANNER STORY Transport strike ulit sa Dis. 18- 22

Transport strike ulit sa Dis. 18- 22

MANILA, Philippines – Magkakasa muli ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Manibela ng panibagong welga o transport strike sa buong bansa mula Lunes hanggang Biyernes sa susunod na linggo.

Ito ay bilang protesta pa rin laban sa deadline ng pagsasama-sama ng prangkisa sa Disyembre 31 sa ilalim ng public utility vehicle (PUV) modernization program.

“Tuloy na tuloy po ang transport strike. Kaya po tayo nag-iikot para dun sa mga preparasyon po natin dun sa mga strike centers po natin,” ani Manibela Chairman Mar Valbuena.

Muli ring iginiit ni Valbuena na ang kanilang protesta ay hindi isang aksyon para kontrahin ang PUV modernization program.

“Ang panawagan natin yung deadline ng consolidation, pabor po ako dyan pero dapat yung mga hindi nakapag consolidate ay i-extend pa rin ang aming provisional authority, mga prangkisa,” dagdag pa ni Valbuena.

Sinabi ni Valbuena na ilang mga jeepney driver at operator ang hindi kayang bumili ng mga modernong jeepney, na nagkakahalaga ng mahigit ₱2 milyon.

“Yung pagmo-modernize na kailangan hindi natin kailangang mahal, hindi kailangang i-phaseout, pwede namang i-rehabilitate,” aniya pa.

Hindi bababa sa 2,000 jeepney drivers at operators ang inaasahang sasama sa nationwide transport strike. Sa kabuuang inaasahang kalahok, hindi bababa sa 50,000 ay mula sa Metro Manila, sabi ni Valbuena

Nauna nang naglabas ng memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagpapawalang-bisa sa mga permit ng mga PUV na nabigong pagsama-samahin ang kanilang mga prangkisa noong Enero 1.

Samantala, sinabi naman ng ilang transport group na hindi sila sasama sa Monday strike.

Kabilang sa mga ito ang Magnificent 7 na kinabibilangan ng Pasang Masda, Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Stop and Go Transport Coalition, at Liga ng Transportasyon sa Operators sa Pilipinas.

Ang PISTON ang ikapitong grupo ng Magnificent 7, na nag-anunsyo ng kanilang pag-alis sa grupo noong Nobyembre.

Ayon sa LTFRB, 68,830 PUV units ang hindi pa sumasali sa mga kooperatiba o korporasyon na wala pang dalawang linggo bago ang deadline. Santi Celario

Previous article12 pang Pinoy na naipit sa Israel-Hamas war nakauwi na ng Pinas
Next articlePinas may sapat na bigas ‘gang sunod na anihan – DA