Home NATIONWIDE Travel expenses ng OP tumaas ng P367M sa unang anim na buwan...

Travel expenses ng OP tumaas ng P367M sa unang anim na buwan ni PBBM – COA

MANILA, Philippines – Mas mataas ng P367 milyon ang travel expenses ng Office of the President (OP) noong 2022 kumpara noong 2021 dahil sa official trips ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anim na bansa, iniulat ng Commission on Audit (COA).

Sa Annual Audit Report ng COA sa OP, sinabi na umabot ng P403 milyon ang travel expenses ng opisina noong 2022, 996% na mas mataas mula sa ginastos noong 2021 na P36.8 milyon.

Ang malaking bugso ng pagtaas ay para sa traveling expenses sa foreign trips ni Marcos na umabot sa P392 milyon noong 2022 mula sa P25 milyon noong 2021, na nagrerepresenta sa huling taon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa opisina.

Anang COA, ang Traveling Expenses-Foreign account ay ginagamit upang matukoy ang mga ginastos sa pagbiyahe ng mga opisyal ng pamahalaan palabas ng bansa.

Kabilang dito ang transportasyon, travel per diem, pasaporte, visa processing at iba pang travel-related expenses.

“Significant increase of ?367,052,245.96 is due to the official travels relative to the foreign summits and state visits attended by the President during the year in Singapore, Indonesia, United States of America, Cambodia, Thailand, and Belgium,” ayon sa COA.

Ang travel expenses naman para sa local engagements ng OP ay bumaba sa P10.8 milyon noong 2022 mula P11.5 milyon noong 2021.

Bumaba rin sa P66 milyon ang Training Expenses noong 2022 mula P70 milyon noong 2021.

Bumaba rin ang gastos sa scholarship grants ng OP mula P510,740 patungong P219,110. RNT/JGC

Previous articlePlano at estratehiya sinusuri ng CSC matapos ang pandemya
Next articleCBCP suportado si PBBM sa pagpapasuspinde sa lahat ng reclamation projects sa bansa