MANILA, Philippines- Hindi naging hadlang sa pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang malakas na ulan upang kanilang ituloy ang tree planting activity kaninang umaga sa La Mesa Watershed Nursery sa Quezon City.
Mismong si BJMP Chief Director Ruel Rivera ang nanguna sa pagtatanim ng mga karagdagang Philippine native trees na malaking tulong para sa watershed conversion at rehabilitasyon.
Kasama ni Rivera sa nasabing aktibidad sina Deputy for Administration JCSUPT. Dennis Rocomora at si Comptrollership chief Rinco Montaus gayundin ang mga representante ng DENR.
Napag-alaman na ngayong araw ay nakumpleto na ng BJMP na makapagtanim ng 58,000 na tree seedlings sa buong bansa na nag-umpisa pa noong taong 2012.
“With this tree planting initiative, I would to assure the public and the DENR that the BJMP is a dedicated environmentalist,” pahayag ni Rivera.
Hinimok ni Rivera ang lahat ng regional office, provincial office kasama rin ang jail units na maging bahagi ng kampanya ng ahensya na pangalagaan ang kalikasan.
“Naging panata na po ng BJMP na makibahagi sa mga panglikasan na aktibidad. We are not simply tree planters but growers of them,” sabo pa ng BJMP chief.
Samantala, naroon din sa lugar ang mga tauhan ng BJMP National Capital Region (NCR) sa pangunguna ni NCR Director JCSUPT Efren Nemeño upang makibahagi sa pagtatanim ng tree seedlings.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi na rin ng nalalapit na pagdririwang ng ika-32 anibersaryo ng BJMP sa Sabado (July 15, 2023). Jan Sinocruz