Ganito ang reaksyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa panawagan ni dating Senador Sonny Trillanes IV sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court laban sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa harap ito ng pag-amin ni dating Pangulong Duterte na ginamit nito ang confidential at intelligence funds sa pagpatay nang manilbihan ito bilang alkalde ng Davao City.
“Hanggang ngayon, iniingay niya pa rin iyang ICC niya. Ingay lang iyan,” ayon kay dela Rosa nitong Lunes.
Sa kanyang tweet nitong Linggo, sinabi ni Trillanes na naisumite niya sa ICC ang video na nagsasabing, “ang intelligence fund, binili ko, pinapatay ko lahat kaya ganoon ang Davao. Yung mga kasama ninyo, pinatigok ko talaga.”
Ayon kay Dela Rosa, kasalukuyang pinag-aaralan nito ang konteksto ng pahayag ni Duterte dahil may ugali ang dating chief executive na gumamit ng figurative language.
“Kilala man ninyo si President Duterte mahilig iyan sa figures of speech. Pumatay. Ano pinatay niya? Is it the person itself or the cause? Or the instrumentalities? Anong pinapatay niya doon?” giit niya.
Ayon kay Trillanes, chairman ng Magdalo group, alinsunod sa 2017 complaint na inihain sa ICC ang sinasabing Davao Death Squad na pumatay ng libong katao sa Davao City sa utos ni Duterte at mahigit 20,000 sa madugong war on drugs.
“We, the Magdalo group, are urging the Marcos administration to allow the ICC investigators into the country in order to make ex-president Rodrigo Duterte accountable for his crimes against humanity. This is in light of Mr. Duterte’s recent public admission that he used his Confidential/Intelligence funds to conduct extra-judicial killings on his constituents in Davao City when he was still its mayor,” ayon sa statement ng grupo nitong Lunes.
Pinabulaanan ni Duterte at Dela Rosa, Philippine National Police na nagkaroon ng state-sanctioned killings. Ernie Reyes